Ang Pinakapangit na Bata

Ang Pinakapangit na Bata

 

Ako iyon, ayon sa aking ina mismo. Kasi, ako ay maitim, payat, at singkit.  Minsan, nang makita niya akong umaakyat sa punong niyog, gayon na lamang ang pagtutungayaw niya.

 

“Bumaba ka riyan! Ang pangit-pangit mo na nga, magiging kuba ka pa! Lalo kang papangit!”

 

Hindi simpleng pangit. Pinakapangit sa lahat! Sa gramatika, antas na pasukdol ng pang-uri. Sa lahat ng katawagang panggramatika, ang pang-uri ang may kapangyarihang humubog ng opinyon at magbigay ng direksiyon sa buhay ng tao.

 

Kaya hinubog ng pasukdol na pang-uri ang aking pananaw sa buhay. E ano kung pangit? Pinaka-  naman. E ano kung maitim? Na ang kutis ay di “nakasisilaw sa puti” na tulad ng aking ina at mga kapatid? Madali namang magtago sa dilim. E ano kung payat? Mabuti nga ang payat, makakasingit kahit saan. Kahit sa pinakamakikitid na lagusan, kasya. E ano kung singkit, di na rin bale kahit hindi kitang lahat (3 possible meanings).

 

Kaya bata pa’y nakabuo na ako ng pansariling alituntunin sa buhay: Makamit ang kasukdulan. Always be on top. Kaya nga bata pa’y mahilig na akong umakyat sa puno. Upang mula sa itaas ay tanawin ang mga nasa ibaba at sabihin sa mundo, “Narito ako sa itaas at lahat kayo’y nasa ibaba ko lamang.”

 

And, if you can’t top the top, then top the bottom. Pinakasukdol pa rin.

 

Hindi ako puwedeng maging pinakamagaling sa folk dance kapag field day, kaya ang pinuntirya ko ay ang maging pinakapalpak. “Bakit ba nanlalata ka sa pagsasayaw? Hindi ka pa ba nag-aalmusal?” Itatanong ng titser ko. Ang totoo, bukod pa sa pagkakaroon ng parehong kaliwang paa, hirap akong ikoordineyt ang hand and foot movements, hindi ko talaga masundan ang mga dance steps, mali-mali ang pagbibilang ko. Palpak talaga. Walang ka-effort-effort sa pagiging kulelat.

 

Kaya sa takbuhan, sports, sayaw, etc. lagi akong kulelat. Top 3 at the bottom.

 

Sa academics, top 3 at the top. Balediktoryan ako nang magtapos sa elementarya. At masamang-masama ang loob nang magtapos sa hayskul dahil first honorable mention lamang. At least top 3 pa rin. Maging nang nasa kolehiyo na ako, ang pinakamababang naabot ko sa dean’s list ay pangatlo. At pakonsuwelo ko sa sarili, ang karaniwang nauuna sa akin sa listahan ay mga Chinese na mahusay sa math.

 

Minsan, naiinggit din ako sa mga maganda, na ang kutis ay nakasisilaw sa puti; sa mga babaeng malaki ang mga mata at seksi ang pangangatawan. Pero, on second thoughts, karaniwan na lamang sila ngayon. Marami na sila, nagpipilit maging ang pinaka-. Pero mahirap manatiling pinakamaganda. Kaya, wala sila sa top of the top, pero wala pa rin sa top of the bottom.

 

Samantalang kung ikaw ang pinakapangit, solo mo ang distingksiyon. You’re at the top of the bottom, and no one tries to contest that!

 


Telepono

 

Telepono

            Inilalarawan sa sanaysay na ito ang isang panahong hindi na kilala ng mga kabataang lumaki sa cell phone, internet, at connectivity. Noo’y hindi pinipindot o dinidiinan ang numero ng telepono, kundi pinapaikot ng daliri para mai-dial ang numero. Landlines lamang ang mayroon kung kabilang ka sa masuwerteng nakabitan nito. Ito ang panahon ng phone pal, hindi textmate. Sa panahong ito isinalaysay ang pangyayari na ang background ay ang kadedeklarang batas militar kasabay ang pagpapataw ng curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas singko ng umaga. Sinumang gumagala sa kalye sa mga oras na ito ay huhulihin at maghapong magbubunot ng damo o magtitibag ng bato.

 

Ang kiriring ng telepono ay parang matinis na tiling pumunit sa katahimikan ng gabi. Tiningnan ko ang oras. Alas onse.

 

“Puwede bang makipag-phone pal?” ang sagot ng di kilalang boses sa aking “hello.”

 

Sa halip na sumagot, bigla kong ibinagsak ang telepono. Makikipag-phone pal lang pala, hatinggabi pa kung tumawag.

 

Pero maganda ang boses, naisaloob ko. Naalala ko tuloy nang nililigawan pa lamang ako ng aking mister. Lagi niya akong tinatawagan sa opisina. Gustong-gusto kong marinig ang boses niya – buo, mataginting, at kung may kulay ang boses, sasabihin mong “maputi.” Kung hindi lamang siya disintonado sa pagkanta, maluluma sina Frank Sinatra at Steve Lawrence sa kanya.

 

Muli, nagring ang telepono. Sana’y si Art na ito. Alam kong masyado siyang abala para tumawag, pero nahiling kong sana’y maalala naman niyang mag-uwi ng pansit, tulad ng dati kung ginagabi siya ng uwi.

 

Ngunit ang narinig ko’y iyon uling nakikipag-phone pal kanina.

 

“Kung sino ka mang Hudas ka,” ang sabi kong nanggigigil, “tigilan mo na ang pagtawag. Hatinggabi na. Nakakaistorbo ka!”

 

“Hindi Hudas, Joey ang pangalan ko,” ang sagot na parang nanunudyo. Lalong gumanda sa pandinig ko ang boses niya. Naalala ko tuloy ang lumipas naming araw ng lalaking ngayo’y asawa ko na.  At komo asawa ko na ay hindi na nakakaalalang kumustahin man lamang ako kahit sandali sa pamamagitan ng telepono. Siguro, iniisip niyang magkikita naman kami at magkakausap pag-uwi niya. Pero darating siya isang minuto bago mag-curfew, hihingal-hingal na susulpot sa pinto at magsasabing, “Wow, I made it!”  Iyon lang at hindi ko na muli pang maririnig ang boses niyang minsan ay bumihag sa akin.

 

“Wala akong pakialam kung sino ka man!” Sabay bagsak ng telepono.

 

Nang nagawa ko na ito, saka ako parang nagsisi. Kawawa naman, naisaloob ko. Baka nangungulila. Tulad ko. Sa buong maghapon, wala akong kau-kausap kundi mga batang paslit. At sa gabi naman, inuubos ko ang mga oras sa pagbabasa habang naghihintay kay Art.

 

Mahaba, kabagot-bagot ang mga oras sa paghihintay. Kapag nagring ang telepono, takbo agad ako sa pagsagot – para lamang mabigo. Isang kung sino lamang na nakikipag-phone pal ang tumatawag; kung minsan naman, wrong number.

 

Nang magring uli ang telepono, naisip ko agad, baka siya na naman. Inangat ko ang awditibo pero hindi nagsalita.

 

“Hello?” Si Joey nga. “Nakikipagkaibigan lang naman ako,” ang sabi.

 

“Bawal sa akin ang makipagkaibigan sa telepono.”

 

Naisip ko ang aking asawa. Siguradong magagalit si Art.

 

“Bakit naman?”

 

“Atsay lang ako rito.”

“Meron bang atsay na maganda ang boses? Siguro, maganda ka rin sa personal. Sige na, phone pal tayo.” Nagsusumamo ang tinig. Boses nina Steve Lawrence at Frank Sinatra. Boses ni Art, noon.

 

Sige na nga, isasagot ko sana. At idurugtong ko pa sana, gusto ko ang boses mo. Ngunit alam kong hindi tama para sa akin ang makipag-phone pal. Ang isang lalaking nakikipag-phone pal ay mangyari pang naghahanap ng maliligawan. At ako ay hindi na malaya.

 

“A, basta, huwag ka nang tatawag dito,” at ibinaba ko na ang telepono.

 

Maya-maya, nagring na naman ang telepono. Kinabahan ako. Ngunit sa halip na sagutin ang tawag, ang ginawa ko’y inangat ko ang telepono, saka ubos-lakas na ibinagsak. Ha, madadala na siguro ang lalaking iyon. Ngunit kiriring na naman. Muli, inangat ko at pagkatapos ay ibinagsak ang telepono nang hindi sinasagot. Akala ko’y titigil na ang lokong tumatawag na iyon, pero muling nagring ang telepono. Muli, inangat ko ito, hindi sinagot, at iniwang nakahang. Wala nang makakatawag pa.

 

Tulad ng dati, isang minuto bago mag-curfew, hihingal-hingal na sumulpot sa pinto ang aking esposo.

 

“Galit ka yata,” ang bungad. “Sori, pero mula bukas, maaga na akong uuwi. Tapos na sa wakas ang apurahang trabaho sa opisina.” At pabagsak siyang naupo sa sopa.

 

“Bakit mo naman naitanong kung galit ako?” ang tanong ko.

 

“Tatlong beses akong tumawag, at muntik na akong mabingi sa bagsak ng telepono.”

“Ikaw ba ‘yon?” At nagtawa ako nang nagtawa. Nakatingin lamang siya sa akin, walang kamalay-malay sa munting dramang naganap habang wala pa siya.

 

“Hindi na tuloy ako bumili ng pansit. Baka kako nagtatampo ka ay itapon mo lang.”

 

Hindi ako nakakibo. Nanlalambot na lamang akong napaupo sa tabi ni Art.


Ano’ng Pangalan Mo?

 

Ang rosas, ayon kay Shakespeare, ay mabango pa rin ano man ang itawag mo rito. Tawagin mo man itong tsitsirika, kampupot, o kamya, hindi pa rin magbabago ang sariling kakanyahan ng rosas. Hindi mawawala ang tanging bango at hindi rin mababawasan ang likas na gayuma.

 

Ngunit sa tao, ang pangalan ay malaking bahagi ng kanyang personalidad. Ang dating kakaning-itik na si Teban, kapag yumaman at nakahawak ng kapangyarihan, ay di na bagay tawaging Teban, kundi Steve. Ang labanderang si Epang, kapag nakatuntong sa siyudad, ay mangyayari pang magiging Eppie agad.

 

Kung minsan, ang apelyido ay may nagagawa sa kapalaran ng tao. Halimbawa, bakit tumandang binata si Facundo Dimaibig? Lagi namang tumatama sa lotto si Alexis Mapalad. Hindi pa man nakikita, kinatatakutan na si Juliana Catacutan. Samantala, marami namang nagtataka kung bakit hindi yumayaman si Prospero Catacataca.

 

Kung minsan din, hindi angkop ang pangalan ng isang tao sa kanyang personalidad. Patpatin si Hercules Bigat. Maitim na maitim naman ang balat ni Liwanag Albino, samantalang tahimik  at hindi mahilig sa gulo si Alfredo Tangkeko Guerrero.

 

Maaaring magbunga ng hindi maganda kapag hindi angkop ang pangalan sa personalidad. Maaaring lumaking kimi si Catalino Majusay kung hindi naman siya talagang matalino at hindi rin mahusay. O baka naman lalong maging mabagal si Rolando Malixi. Samantala, baka lumaking lampa si Crispulo Jandusay. O mahirapang makakuha ng trabaho si Crescenciana Baculaw.

 

Dati, laging kalendaryo ang sinasangguni ng mga magulang sa pagpili ng pangalan ng kanilang mga anak. Nakatala sa kalendaryo noong araw ang kaarawan ng mga santo na mapagkukunan ng pangalan ng bagong silang na sanggol. Kung sinong santo ang nakalista sa araw ng iyong kapanganakan, doon hahanguin ang pangalan mo. Halimbawa, Nobyembre 27 ang kaarawan ni San Gregorio, kaya ang sanggol na isinilang sa araw na ito ay may pangalang Gregorio kung lalaki at Gregoria kung babae.

 

May mga magulang naman na humahango ng pangalan sa Bibliya. Ilan sa mga halimbawa nito ay: Benjamin, Raquel, Jared, Ruth, Lot, Salome, Noah, at iba pa. Kung minsan, ang pangalan ng lolo o lola ang ibinibigay ng ilang magulang sa kanilang anak. May mga magulang naman na isinusunod ang pangalan ng anak sa kanilang paboritong bayani, kaya may pangalang Riza at Rizalino. O sa kanilang hinahangaang artista, tulad ng Diether, Gerald, Piolo, Sarah, Kim, Bea, at iba pa.

 

Pinakakaraniwan sa mga Pilipino ang pangalang Junior, o ang tawag sa anak na lalaki na isinunod sa pangalan ng ama. Kung minsan, hindi lamang isa kundi dalawa o tatlo pa ang nagkakaroon ng magkakaparehong pangalan sa isang pamilya. Nakarinig ka na siguro ng tungkol sa tatlong magkakapatid na lalaki na ang pangalan ay Alfredo II, Alfredo III, at Alfredo IV. Ang kanilang ama ay si Alfredo I.

 

Dati, mula sa Kastila ang pangalan nating mga Pilipino. Ngunit nauso ang mga pangalang Amerikano tulad ng John, Jane, Anne, Rosemary, Jonathan, William, at iba pa.

 

Iba’t ibang paraan ngayon ng pagpapangalan ng sanggol ang nauuso. May mga magulang na pinagtatambal ang ngalan ng ama’t ina sa pagpili ng pangalan ng kanilang sanggol. Halimbawa, mahuhulaan mong Jose at Beth ang pangalan ng mga magulang ni Jobeth. O sina Rey at Connie naman ang mga magulang ni Reycon. Kung minsan naman, binabaligtad ang pangalan ng magulang at ito ang ibinibigay sa anak. Halimbawa, Dranreb, binaligtad na Bernard, at Thes, na anak ni Seth.

 

May mga magulang na humahango ng pangalan sa mitolohiya, tulad ng Proserfina, Athena, Zeus, Hermes, at iba pa. O kaya naman ay sa panitikan, tulad ng Lara (mula sa nobelang Dr. Zhivago) o Laarni (mula sa maikling kuwentong “Laarni, a Dream” ni Jose Garcia Villa). Kung minsan, upang makaiwas sa pagkakaroon ng kaparehong pangalan, o para maisama ang lahat ng ninang o lola sa pangalan ng bata, nagiging mahaba ang pangalan ng sanggol: Maria Veronica Winifreda Rhea Tamita Crystal.

 

May mga pangalang tumatawag ng pansin, tulad ng mga pangalang nakatala sa isang balita sa diyaryong Today (Hulyo 6, 1994):

1. Bottled, pangalan ng isang sanggol na lalaki na ang apelyido ng ama ay Beer

2. River, pangalan ng sanggol na babae na ang apelyido ay Jordan.

3. Stone, pangalan ng sanggol (hindi sinabi kung babae o lalaki) na ang apelyido ay Wall

 

Samantala, sa isang balitang lumabas sa diyaryong Manila Times (Oktubre 25, 1994), nabanggit ang pangalan ng isang batang babae, si Maryon Jinelle Itaas, anak ng isang nagngangalang Blusa.

 

Maraming pangalang lumilitaw ngayon. At maraming dahilan sa pagpili ng pangalan.

 

Ikaw, ano’ng pangalan mo?


The Most Beautiful Name

Di tulad ni Genaro R. Gojo Cruz, na nagsabing nasusuklam siya sa kanyang pangalan, ako naman, gustong-gusto ko ang pangalan ko. Aurora.  Sa mitolohiyang Griego, si Aurora ay diyosa ng bukang-liwayway. Anak siya ni Pebo, ang Haring Araw, at ang kanyang rosas na mga daliri ang humahawi sa dilim ng gabi bilang hudyat ng pagsikat ng araw.

 

Di tulad ng Genaro, ang Aurora ay hindi pangmatanda, hindi rin pambata.  Ito’y ageless.

At hindi ito palasak.  Sa buong panahon ng pag-aaral ko sa elementarya at hayskul, wala akong tukayo. Solong-solo ko ang aking pangalan, walang kapareho. Maliban sa isang guro na parang kinulang ng turnilyo sa leeg kaya laging papapaling-paling ang ulo.

Ang hindi ko gusto ay ang maling bigkas ng balana sa aking magandang pangalan. Ganito ang bigkas  nila:

  1. A.ro.ra. -  Si Aruray? Andiyan si Aruray? (ang komedyante)
  2. A.u.ro.ra -  Bawat patinig, nilagyan ng impit na tunog sa simula. Bigkas-Tagalog ba iyan?
  3. O.ro.ra – Bigkas-Ingles naman ito ng unang pantig.
  4. A.ra.ró – Ha? Tinapay naman ngayon.

 

Hindi pa ako linguist noon, pero noon pa man, gusto ko nang ipaliwanag, hoy, may diptonggo ang unang pantig ng aking pangalan, kaya dapat bigkasing: Aw.RO.ra.  At ang diin ay nasa penultima.

Ewan ko ba naman kung bakit hindi ito mabigkas nang tama ng aking mga guro at kamag-aral.

Kaya naman madalas akong pinagbibintangang suplada o bingi. “A.ro.ra!” “A.u.ro.ra!”  “O.ro.ra!”  “A.ra.ro!”  Lahat ng ganyang tawag nila sa akin, hindi ko pinapansin. Hindi ako ‘yan, ano?

Pag recitation, “A.ro.ra, what is your answer?”

Lilinga pa muna ako, bago sasagot: “Is it me you’re asking, Teacher?” (Pabulong: Walang A.ro.ra rito!)

“O.ro.ra, go to the board and solve the problem.” (Ay, lalo nang hindi ako ‘yan, solve the problem daw.  E iyon ngang maling bigkas sa pangalan ko, hindi ko malutas-lutas kung bakit.)

Pero kung may problema sa maling bigkas ng aking pangalan, meron pa rin sa aking palayaw, o nickname. Dati raw, ang palayaw ng Aurora ay Orang. Pero hindi ito ang tawag sa akin sa bahay, kundi Odyi-odyi (ganyan ang baybay ko noong bata pa ako). Sa balarila ni Lope K. Santos, ito ay halimbawa ng pangngalang inuulit.

Gayon man, kapag ipinakilala ako ng mga magulang ko, hindi Odyi-odyi ang sinasabi nilang pangalan ko. Aurie, o Ori. Basta hindi Odyi-odyi. At nang magdalaga na ako, hindi na raw bagay ang aking palayaw na nakagisnan. Kaya gusto nilang tawagin akong Auring. Auring! Diyos ko, e iyon din ang palayaw ng aking tukayong titser na papaling-paling ang ulo na parang kailangan ng tukod ang leeg.

Hindi ako pumayag! Hindi na bale ang pangngalang inuulit kaysa Auring. Kahit Drakula, Kaligay, Brukosta, huwag lang Auring. Kahit pa nga A.ro.ra, A.u.ro.ra, O.ro.ra, A.ra.ro – huwag lang Auring!

Kaya pinanindigan ko ang nakagisnang palayaw. Hindi ako sumasagot sa ibang palayaw. Sa kalaunan, na-reinvent ko ito. Naging isa na lang ang pangngalang inuulit, at pinaganda ko ang baybay – Oji.

Wala pang Oji noon at ngayon. Kaya solo ko ito. Pero problema pa rin. Iba-iba naman ang baybay rito ng aking mga kaibigan.

  1. Ogie – as in Ogie Alcasid
  2. Augie – as in Augie Rivera
  3. Ojie – may dagdag na E, kahit pa sabihin kong middle initial ko ‘yan

 

(Sa college, may mga tumawag sa akin ng Rory, pero hindi nag-click. At gusto ko na sana ang Au, pero ilan lang ang nagbinyag sa akin nito at nanatili pa rin ang Oji. Maganda sana ang Au dahil sa chemistry, ito ang simbolo ng ginto. At sa numerology, ito ay may bilang na 5 (a = 1 + u = 4 =  5). Ito rin ang aking personality number batay sa buwan at araw ng kapanganakan.)

Pero heto pa, madalas mapagkamalang lalaki si Oji. Hanggang makita ako o marinig, saka pa lamang mapapawi ang duda sa aking kasarian.

Akala rin ng iba, batang paslit si Oji. Inisip tuloy ng lapastangang mga estudyante ko sa graduate school (kabilang si G. Reyes ng UST)  na ang aking email address na ojiebatnag@yahoo.com ay hindi akin kundi sa aking anak (na lalaki).

Ano ba ang masama sa Aurora? Bakit kailangan ang palayaw? Bakit hindi mabigkas nang tama? Bakit ba hindi ako tawagin ng mundo sa pangalang ito? Bakit hindi ko maigiit: Aurora ang itawag mo sa akin (hindi Ligaya).

Ang totoo, hindi Aurora lang ang aking pangalan. Wala  sa kalendaryo ang paganong pangalang ito kaya hindi pumayag ang Simbahan kung hindi ito tatambalan ng pangalang Kristiyano. Ang aking baptismal name ay Maria Aurora.

Kaya tuloy inaangkin ko ang isang awit sa West Side Story. The most beautiful name I’ve ever heard… Maria… Maria… Maria Aurora!


Nunal

Nunal

 

Ang nunal na iyon, naisip ko agad nang makita ko ang lalaki. Siguro, ganoon din ang nasabi niya sa sarili nang makita ako. Ang nunal ngang iyon. May malaking nunal ako sa kanang  itaas ng labi. Si Jovencio naman, ang aking kaklase at matalik na kaibigan noon, ay may nunal din sa kaliwang itaas naman ng labi. Parehong prominente ang nunal namin, madaling makita, madaling maging palatandaan.

 

Kaya nang makita ko ang lalaki sa jeep, biglang pumasok sa isip ko na si Jovencio iyon. Si Jovencio nga kaya ang lalaking nakaupo sa tapat ko sa jeep? Pilak na ang buhok ng lalaki, malalalim ang mga guhit sa mukha. Pero sa isip ko, muli kong nakita ang mukha ni Jovencio noong 12 taong gulang pa lamang kami kapwa, nakangiti ang maningning na mga mata, nanunulis ang nguso kapag may kapilyuhang naiisip.

 

Jovencio, gusto ko sanang itanong. Ngumiti rin siya nang ngumiti ako. Nakilala kaya ako sa kabila ng maraming taon ng pagkawalay? Magkaklase kami noong Grade 6, at noong Grade 6 lang. Nang maghayskul na,  kahit sa iisang paaralan kami pumapasok, hindi na niya ako dinadaanan bago pumasok, hindi na inihahatid sa pag-uwi. Malayo na si Jovencio at hindi na kami nagkikita sa kampus. Sa umaga siya pumapasok, sa hapon naman ako.

 

Nang magtapos kami ng hayskul, saka lang niya ako binati uli. “Mataas ka nang talaga,” sabi niya dahil tulad noong Grade 6, ako pa rin ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan. “Magkaibigan pa rin naman tayo,” sagot ko. Saka ako nalungkot. “Buti ka nga, siguradong kakarera. Ako, hindi.” Ngumiti lang siya. Iyon na ang huli naming pagkikita.

 

Pero nakapagkolehiyo ako. Nagkaroon ng propesyon. Nagkaasawa at nagkaanak at nabiyuda. Lubos ko nang nalimot si Jovencio. Hanggang sa umagang ito.

 

“Ikaw ba si Jovencio?” Di ko napigilang tanong. “Jovencio.” Pabulong ang pagsasalitang parang nagtataka. Naging malinaw sa akin. Hindi na niya kilala maging ang sarili niya. Saka ako napatingin sa aking mga kamay. Butuhan,  payat. Tulad din ng aking mukha. Kulubot nang tulad ng sa kanya. Wala nang bakas ng dating ako kundi ang nunal sa kanang itaas ng aking labi.

 

 


Grammar Lessons 2

Pandiwa naman

            Itinuturo sa elementarya ang tatlong aspekto ng mga salitang kilos: naganap, nagaganap, at magaganap. Ewan ba diyan sa DepEd kung bakit itong mga salitang ito ang ginagamit. May ilang aklat naman na ang ginagamit ay ginawa, ginagawa, at gagawin.

E paano kung ang kilos ay NAMATAY? Alin kaya ang mas angkop: ginanap o ginawa?

Pero hindi ang pagiging angkop ng termino ang aralin natin sa gramatika ngayon.  Ang tatalakayin natin ay ang aspektong nagaganap – ibig sabihin, ang kilos ay nasimulan na at kasalukuyan pa ring nangyayari. Narito ang isang salaysay.

Isang araw, dumalaw kami ng aking anak sa bahay ng aking kapatid na may alagang aso. Sa kusina, habang nagkukuwentuhan kami ng aking kapatid at mga pamangkin, pumasok ang aking anak na noon ay mga 5 taong gulang.

“Mommy, kinakagat ako ng aso, ” sabi niya.

            Mangiyak-ngiyak ang bata. Pero payapa ang boses, hindi nagtititili. Nagtaka ako. Kinakagat? Ibig sabihin, kasalukuyan pang nagaganap?

At totoo nga, naroon pa ang mga ngipin ng aso sa puwet ng aking anak habang nagsasalita siya.

Iyan ang halimbawa ng salitang kilos na nagaganap.

 


Grammar Lessons

Grammar lessons

Talakayin natin  ang mga aralin sa gramatika kaugnay ng tunay na buhay.

  1. 1.      Panghalip

Maraming tagasalin ang nagsasabing isa sa mga problema sa pagsasalin ang mga panghalip sa Filipino. Wala kasi itong kasarian.

 

Tingnan ang simpleng pangungusap sa ibaba. Walang tinukoy na mga tao; sa halip ay gumamit lamang ng mga panghalip na panlalaki at pambabae.

 

Paano ngayon isasalin sa Filipino ang pangungusap na ito?

 

He chased her, till she caught him.

 

Salin 1. Hinabol-habol ni Lalaki si Babae, hanggang mahuli siya nito.

Malinaw na ba na ang siya ay tumutukoy kay Lalaki, samantalang ang nito? Parang hindi, ano? Kaya tingnan natin ang isa pang pagtatangka.

 

Salin 2: Hinabol-habol ni Lalaki si Babae, hanggang mahuli ang una ng huli.

Kung iba-back translate, ito, ang huling bahagi ng pangungusap ay maisasalin nang ganito: until the former was caught by the latter. Pero malabo ang salin dahil ginamit ang dalawang kahulugan ng salitang “huli” – a. HU-li (nasa unang pantig ang diin) – catch; b. hu-LI (nasa huling pantig ang diin) – the latter.

 

Tingnan natin ang pangatlong salin.

Salin 3: Hinabol-habol ni Lalaki si Babae, hanggang maabutan ang una ng huli.

 

Masasabing nabawasan ang kahulugan ng “catch” sa pagtutumbas lamang ng “maabutan” pero nakasaad na rin sa salitang ito na dahil naabutan ay nahuli na rin.

 

Ano sa palagay ninyo?

 

  1. 2.      Mga antas ng pang-uri

 

Alam natin na may tatlong antas ng pang-uri: lantay, pahambing, at pasukdol. Pakinggan natin ang usapan ng 2 biyuda para ilarawan kung paano ginagamit ang 3 antas ng pang-uri.

 

Biyuda 1 (na nag-asawa uli. Read: agad-agad?): Ang matatandang dalaga, pangit, kaya hindi nakapag-asawa.

 

Biyuda 2 (hindi nag-asawa uli. Read: walang natiklo?): Ha? Maraming matandang dalaga na maganda. Baka choice nila ang di pag-aasawa.

 

Biyuda 1 (hindi pansin ang sagot ng kausap): Pero mas pangit ang biyuda na hindi nag-asawa uli.

 

Biyuda 2 (natamaan): Pero ang pinakapangit sa lahat ay ang babaeng may kapalit na agad ang asawa kahit noong  nabubuhay pa.

 

Hindi na nakapangusap si Biyuda 1.


Mga Panlapi, Mga Salitang ugat

Aurora E. Batnag
Panimula
Karaniwan, hindi binibigyan ng pansin ng mga estudyante at maging ng mga guro man kung paano nabubuo ang mga salita sa wikang Filipino. Kadalasang eksena sa maraming silid-aralan ang usapan sa ibaba:
Guro: Ano ang salitang ugat ng salitang “matalo”?
Estudyante: Talo.
Guro: E ano naman ang salitang ugat ng salitang “manalo”?
Estudyante: Nalo?

Ang masaklap sa eksenang ito, tanungin mo ang guro at pareho rin ng sagot ng estudyante ang ibibigay niya.
Manalo at matalo, parehong talo
Ang totoo, iisa ang salitang ugat ng manalo at matalo. Pero magkaiba ng kahulugan ang dalawang salita dahil magkaiba ng panlaping ginamit.
Kapag natalo ka, ikaw ang tumanggap ng kilos ng pandiwang talo. Kapag naman ikaw ang nanalo, ibig sabihin ay ikaw ang nagsagawa ng kilos na nagbunga ng pagkatalo ng ibang tao.
Tulad din ito ng salitang ugat na bili. Kapag ikaw ay nagbili, ikaw ang nagtinda, o nagbenta. Pero kapag naman sinabing ikaw ang bumili, ikaw ang pinagbentahan.
Ganito ang pagkakabuo ng mga salitang matalo at manalo:
Salitang ugat Panlapi Nabuong salita
talo ma- matalo
talo mang- mangtalo

Nagkaroon ng pagbabago sa anyo at tunog kaya ang mangtalo ay naging manalo.
Maraming iba pang ganitong halimbawa ng mga salita. Hindi na halos makilala ang salitang ugat na pinagmulan ng maraming salita dahil sa pinagdaanang pagbabago sa anyo at tunog.

Iba pang mga salitang ugat
Ano ang salitang ugat ng iwan?
Karaniwang sagot: iw?
Tanong pa ulit: Ano naman ang kahulugan ng iw?
Sagot: Tahimik na, hindi na makapangatwiran, ang nanghuhulang tinanong.
Ang tamang sagot: iwi. Ang panlapi ay –an. Kaya: iwi + -an = iwian = iwan.
Ano ang ibig sabihin ng iwi?
Kilala natin ang kahulugan ng salitang iwi sa mga halimbawa sa ibaba:
1. Ang kandidata ay may iwing likas na kagandahan.
2. Nag-iiwi siya ng biik para sa kapitbahay.
3. May iwing sanggol ang mga ina na dumalo sa pulong.
Ano ang karaniwang kahulugan ng iwi sa mga halimbawang pangungusap sa itaas? Di ba “taglay” o “iniingatan”? Ngunit kapag ang panlapi ay –an, baligtad ang kahulugan ng nabuong salita. Kapag iniwan ang isang tao o bagay, hindi na ito nangangahulugang taglay o iniingatan kundi nilayuan.
Iyan marahil ang dahilan kung bakit parang mahirap iugnay ang salitang ugat na iwi sa iwan.
Narito ang isa pang salita: sauna. Akala ng marami, Swedish ang salitang ito. Ang totoo, ito ay matandang salitang Tagalog, na mas kilala sa anyong sinauna. Ang hindi pinapansin ng marami, ang sa- ay gamit sa pagbubuo ng maraming salita, tulad ng sumalangit (sa- + -um- + langit), isaaklat (i- +sa-+ aklat), salab (sa-+alab), at marami pang iba.
Ano naman ang salitang ugat ng maging? Akala ng marami, ito ay isang buong salita, na wala nang iba pang sangkap. Ngunit kung mahilig lamang kayong magmasid at matamang makinig, matutuklasan ang tunay na pinagmulan ng salitang ito. Binubuo ito ng magi at pang-angkop na –ng.
Paano ito mapapatunayan? May ilan pang nagsasabi ng ganito, lalo na sa mga pook na rural: Ayaw ko na magi siyang salbahe paglaki.
Alin ang tama: hangga ngayon o hanggang ngayon?
May dalawang nagtatalong pangkat hinggil sa kung alin ang tama: hangga ngayon, o hanggang ngayon. Simpleng-simple, napakadaling sagutin ang tanong. Maglista lamang ng mga anyong parallel, o mga anyong katulad. Subuking palitan ang ngayon ng mga katulad na anyo, tulad ng bukas, sa muli, mamaya. Ano ang gagamitin kapag ang mga ito na ang ginamit? Di ba hanggang bukas, hanggang sa muli, hanggang mamaya?
Samakatuwid, hanggang ang tama. Nalito lamang siguro ang mga taong gumagamit ng hangga ngayon dahil sa dalawang magkasunod na tunog na kinakatawan ng ng.
Ang batayang anyo ng hanggang ay hangga na nilagyan ng pang-angkop na –ng.
Iba pang mga salitang ugat at panlapi
Ano naman ang salitang ugat at panlapi ng panginoon? Maraming nag-aakala na poon ang salitang ugat nito. Ang totoo, pabiro nating masasabi na ang salitang poon ay “palayaw” o pinaikling anyo ng panginoon. Nabuo ang salitang ito sa ganitong paraan:
Salitang ugat: tuon
Mga panlapi: pang-+ -hing-
pang- + hing- + tuon = panghingtuon
Nagkaroon ng mga pagkakaltas o pagbabawas ng mga tunog/letra kaya ang naging resulta ay panginoon. Ano naman ang ibig sabihin ng tuon? Sa Sebuwano at Hiligaynon, nangangahulugan ito ng “turo o aral.” Malinaw na, di ba?
Ang panlaping hing- ay isa sa mga “patay na panlapi,” na tinatawag na ganito dahil hindi na ginagamit sa mga salita maliban sa mga dati nang salitang nilalapian nito, tulad ng himagsikan, hinguto, hingalay, himalay, himatay, atbp.
Kongklusyon
Kung matutunton natin ang salitang ugat at panlapi ng mga salita, mas maiintindihan natin ang kahulugan ng mga salita. Mas mauunawaan din natin ang ating wika kung malinaw sa atin kung paano nabubuo ang mga salita.
Maraming iba pang mga salita na hindi na halos matunton ang salitang ugat at panlapi, o kung matukoy man ang salitang ugat ay hindi naman maipaliwanag kung paano nabuo ang mga salitang ito sa kasalukuyan nitong anyo. Mga halimbawa: kanluran, pangalawa, makinig, atbp. Sa susunod naman tatalakayin ang mga ito.


Miss Lara Panganiban, Guro

MISS LARA PANGANIBAN, GURO

Aurora E. Batnag

Paulit-ulit na binasa ni Miss Panganiban ang di matapos-tapos na liham ng pagbibitiw. Unti-unti, nahuhungkag  ang kalooban niya. Nakadarama siya ng takot, ng pag-aalinlangan. Kailangan nga kayang magbitiw siya?

“Good afternoon, ma’am.”

Nagulat siya sa masiglang tinig. “Time na ba?” tanging nasabi niya. Bakit hindi niya narinig ang bell?

Kasunod ng naunang dumating ang iba pang mga estudyante. Ang kanilang bulungan, biruan, pamimilosopo, mumunting piraso ng kahenyuhan, maging ang ingay ng walanng ingat na mga paa – lahat ng ito, natitiyak niya ay hahanap-hanapin niya saan man siya magtungo.

Pag-alis niya rito, sa San Diego High School, saan siya pupunta?

Hindi madali para sa isang may-edad nang dalaga ang pagsagot sa tanong na iyan.

“Good afternoon, class,” sabi niya sa dagat ng mga mukha sa kanyang harap. “We will review for today …” Sansaglit siyang napaudlot bago nakapagpatuloy, “…gravity. Gravity. Puwersang humihigop sa lahat ng bagay tungo sa sentro ng mundo. Lahat ng bagay ay nasasaklaw ng batas ng gravity,” paliwanag niya.

“Pati tao, ma’am?” tanong ng isang estudyante. Tumango siya. Pati tao.

Ang tao’y alipin ng maraming puwersa, hindi lamang ng gravity, gusto niyang idagdag. Ngunit maunawaan kaya siya ng mga batang ito? Totoong higit mong madarama ang pag-iisa kapag nasa gitna ka ng maraming tao.

Sumulyap siya sa upuan ni Lyna Amante. Bakante, tulad ng dati. Paano niya bibigyan ng pasadong marka ang estudyanteng ito, na laging pumapalya sa klase at hindi pa nakapasa sa alinmang test?

Estudyante niya si Lyna Amante, ang idolo ng bata’t matandang manonood ng pelikulang Tagalog. Walang hindi nakakakilala kay Lyna Amante: May mahika ang pangalan nitong humahakot ng maraming salapi sa takilya. Sa iba, karangalan ang maging guro ni Lyna; hindi kay Miss Panganiban. Naniniwala siya sa pagbubukod-bukod ng mga bagay. Iba ang eskuwela, iba ang pelikula.

Sa matandang kaayusan ng mga bagay-bagay, ayon sa paniniwala niya, hindi makapapasa ang artistang si Lyna Amante dahil wala itong kaalam-alam sa Physics.

Ngunit nag-iisa si Miss Panganiban sa paniniwalang ito.

Kanina, nang ipatawag siya ni Mr. Carpio, ang prinsipal, nahulaan na niya agad ang sasabihin nito: sasaksihan ng buong bansa ang dakilang araw ng pagtatapos sa hayskul ni Lyna Amante. Pormalidad na lamang ang pagpasok sa klase, ang mga eksamen. Papasa si Lyna sa lahat ng sabdyek nito.

“Physics lang naman ang hawak mo,” sabi ni Mr. Carpio.

Physics lang! “Hindi po ito isasama sa kurikulum kung hindi mahalaga.”

“Hindi kay Lyna Amante.”

“Kung gayo’y bakit pa siya kumuha ng Physics?”

“Gusto ni Lyna na makatapos ng hayskul. Popular nga siya, may pera, pero kailangang masabi ring may tinapos siya. Mahalaga ang diploma sa ating lipunan…”

Nagpatuloy si Mr. Carpio. “Dadaluhan ng marami ang graduation natin dahil kasama sa graduates ang idolo ng milyon-milyong Pilipino. Biro mong publisidad ‘yan?”

“At kailangan natin ang publisidad na ibibigay ni Lyna Amante?”

“Tanggapin natin, negosyo ang edukasyon sa Pilipinas. Madaragdagan ang enrolment natin dahil dito nagtapos ang artistang si Lyna Amante.”

“Unfair sa ibang estudyante…”

“Hindi na nila iisipin iyon. Ang iisipin nila, naging kaklase nila ang bantog na artista, kasama sa martsa ng pagtatapos.”

“Hindi ako pakakasangkapan sa inyong materyosong pananaw.”

“Hindi lamang ikaw ang guro sa  mundo, Miss Lara Panganiban.:”

“Alam ko. Nobody is indispensable, lagi n’yong sinasabi. Magreresayn ako.”

“Gawin mo agad.”

Ngayon, sa pagkakaupo niya sa harap ng kanyang mga estudyante, parang ibig niyang pagsisihan ang nasabi kanina. Hindi biro ang maghanap ng trabaho sa panahong ito. At sa edad niya ngayon, itatanong sa kanya: Bakit ka umalis sa dati mong pinagtuturuan? Ano’ng isasagot niya? Dahil ayaw niyang pakasangkapan sa materyosong pananaw ng kanyang prinsipal? Pagtatawanan niya.

Pagtatawanan siya dahil sa edad niyang ito, sa kabila ng maraming taon ng pagtuturo, hindi pa rin siya natututo sa maraming karanasang pinagdaanan niya. Alam niyang hindi niya kailangang isuko ang trabaho: Para umunlad, higit na dapat niyang isuko ang pansariling prinsipyo.

Natitiyak niya, sa pag-alis niya, hindi lamang isa, o dalawa, kundi marami, ang mag-aagawan sa kanyang puwesto. Hindi mahihirapan si Mr. Carpio sa paghanap ng maipapalit sa kanya – kung wala pa siyang kapalit sa mga sandaling ito.

Noon pa niya dapat pinaghandaan ang sandaling ito, ang sandali ng pagkaulila sa mga minamahal at nagmamahal. Kung nagkaasawa sana siya, nagkaanak, nagkapamilya. Ngunit ang kanyang mga estudyante ang kanyang tanging pamilya, ang paaralan ang kanyang tanging daigdig.

Hindi malaman ni Miss Panganiban kung paano natapos ang klase. Narinig na lamang niya ang bell na hudyat ng pagtatapos ng klase. Saka ang ingay ng rumaragasang mga paa palabas sa kuwarto. Nang muli siyang mapag-isa, binalikan niya ang hindi natapos na liham ng pagbibitiw.

“Magandang hapon po, Miss Panganiban.:”

Nagulat siya sa dumating. Si Lyna. Ngumiti si Miss Panganiban. Inilahad ang palad sa bagong dating. “Paunang pagbati sa iyong pagtatapos.”

“Salamat po.” Maagap na ginagap ng artista ang palad ng guro. “Talagang pangarap kong makatapos kahit hayskul man lamang. Kaya nga kahit ako’ng pinakamatandang graduate – biro n’yo, 21 na ‘ko.”

“Sayang at hindi ko na makikita ang pagtatapos mo.:”

“Aalis daw kayo, narinig kong pinag-uusapan ng mga titser.”

Nagkibit ng balikat si Miss Panganiban.

“Dahil sa akin?”

Pinagmasdan ni Miss Panganiban ang kaharap. Walang magsasabing 21 taon lamang si Lyna Amante. Kahit ngayong halos walang make-up ang maamo nitong mukha. Mayaman sa karanasan ang batang ito, mga karanasang mababakas sa mukha nitong higit na mature kaysa taglay  na gulang.

“Lyna, kung papasok ka sa klase mo bukas, kukuha ng test at papasa …”

“Hindi na kayo magreresayn?”

Napayuko si Miss Panganiban. Ito ba ang nais niya – isuko ang sarili sa sandali ng pag-aalinlangan? Ngunit hindi na ito ang panahon ng kanyang kabataan. Ngayo’y may pilak na sa kanyang ulo, may mga guhit sa kanyang mukha. Hindi na ito ang panahon ng pakikibaka.

“Hindi ako papasok sa klase n’yo, Miss Panganiban,” buo ang tinig ni Lyna. “Magreresayn kayo. Ipapakita ninyo sa mundo na hindi nabibili ang karangalan ng isang tunay na guro. Ma’am, nauunawaan ninyo ako. Tulad ng pagkaunawa ko ngayon sa inyo.”

“Lyna, aanhin mo’ng diploma? May natutuhan ka ba sa klaseng hindi mo in-attend-an?”

“Mayroon, Miss Panganiban. Nakilala ko kayo.”

Isang estudyante ang nakakilala sa kanya at nakaunawa. Sapat nang tubo sa pinuhunang mga taon ng pagtuturo.

Hinalikan ni Lyna sa pisngi ang guro. “Hindi ko kayo malilimutan.”

Sinundan ng tingin ni Miss Panganiban ang papalayong anino ni Lyna. Lumalatag na ang dilim. Paulit-ulit niyang binasa ang sinimulang liham ng pagbibitiw. Kailangang tapusin na niya ito ngayon. Hindi kita malilimot, Lyna Amante, bulong niya sa sarili.

 

 

 

 


Mga Dahon ng Kawayan

Kawabata Yasunari

Salin ni Aurora E. Batnag

Ibinaba ni Akiko ang balde sa tabi ng hollyhocks, saka pumitas ng ilang dahon mula sa mababang kawayan sa ilalim ng puno ng plum at inihagis ang mga ito sa tubig.

“Mga bangka. Gusto mo?”

Matamang pinagmasdan ng batang lalaki ang balde. Pagkatapos, tiningala niya si Akiko at ngumiti.

“Iginawa ka ni Akiko ng magagandang bapor,” sabi ng ina ng bata, “dahil mabait ka. Makikipaglaro si Akiko sa iyo kung mabait ka.”

Ang batang lalaki ay kapatid ng nobyo ni Akiko. Lumabas ang babae sa halamanan dahil naramdaman ni Akiko na ang kanyang ama ay gustong makausap nang sarilinan ng ina ng bata. Magulo kasi ang batang lalaki kaya isinama ito ni Akiko sa labas. Ang bata ay bunsong kapatid ng kanyang nobyo.

Hinalo ng bata ang mga dahon. “Nagbabakbakan sila!” Tuwang-tuwa ang bata.

Piniga ni Akiko ang nilalabhang kimono at isinampay ito.

Tapos na ang Digmaan ngunit hindi pa umuuwi ang nobyo niya.

“Bakbakan,” sabi ng bata, at lalo pang hinalo ang mga dahon. “Laban pa.”

“Nagkakabasa ka na.”

“Ayaw kasi nilang kumilos.”

Totoo nga na nang alisin niya ang kanyang kamay, hindi gumagalaw ang mga dahon.

“Dalhin natin sa sapa. Para gumalaw.”

Tinipon ng bata ang mga dahon. Binuhusan ni Akiko ng tubig ang hollyhocks at ang balde pabalik sa kusina.

Tumayo siya sa isang bato sa gilid ng ilog at isa-isang inilaglag ang mga dahon.

Pumalakpak ang bata sa tuwa. “Nananalo ang bangka ko. Tingnan mo, tingnan mo!

Tumakbo ang bata pababa para sundan ang nangungunang bangka.

Inilaglag ni Akiko ang huling dahon saka humabol sa bata.

Maingat siya sa paghakbang, tinitiyak na lumalapat ang kaliwang paa sa lupa.

Nagkaparalisis siya noong bata pa kaya ang kaliwang sakong niya ay hindi lumalapat sa lupa. Makitid ito at malambot at mataas ang arko. Hindi siya puwedeng magluksong lubid o maglakad nang malayo. Naitalaga na niya ang sarili na hindi makapag-aasawa, saka bigla, nagkaroon siya ng katipan. Dahil tiyak niyang maisasantabi ng determinasyon ang alinmang kapansanan, pinilit niyang makalakad nang lumalapat sa lupa ang kaliwang sakong. Madali itong magpaltos pero pinilit pa rin niya. Pagkaraan, naisip niyang walang saysay ang lahat kaya sumuko na siya. Ngunit naroon pa rin ang mga paltos, namamaga pa rin.

Ngayon pa lamang niya uli ginamit ang kanyang kaliwang sakong sa loob ng matagal-tagal na ring panahon dahil ang batang iyon ay kapatid ng kanyang nobyo.

Makitid ang sapa at may mga dahon sa gilid. Dalawa o tatlo sa mga bangka ay nasalalak dito.

Mga sampung hakbang sa unahan, ang bata ay nagbabantay sa mga bangka, parang hindi siya napapansin. Bale wala rito ang paraan ng paglalakad ni Akiko.

Ang uka sa batok ng bata ay nagpaalala kay Akiko ng kanyang nobyo. Gusto niyang yakapin ang bata.

Lumabas ang ina ng bata. Nagpaalam ito at inakay na ang bata.

“Uuwi na kami. Sige, ha,” mahinang sabi ng bata.

Alin sa dalawa, patay na ang nobyo niya o pinawalang bisa na ang kanilang kasunduan. Siguro, dahil sa sentimyento ng digmaan kaya lamang nagpasiya ang nobyo niya na makipagkasundong magpakasal sa isang babaeng may kapansanan.

Hindi pumasok ang babae. Sa halip, pinagmasdan niya ang bahay na itinatayo sa tabi ng bahay nila. Ito ang pinakamalaking bahay sa kanilang lugar at lahat na ay namamangha rito. Natigil ang paggawa habang may Digmaan at tinubuan na ng damo ang mga kahoy, ngunit bigla, itinutuloy ang pagpapagawa. May dalawang puno ng pino sa tarangkahan.

Para kay Akiko, parang walang damdamin at hindi marunong sumuko ang bahay na iyon. Ngunit napakarami nitong bintana. Ang sala ay parang buong-buong salamin.

Kung ano-ano ang mga haka-haka tungkol sa klase ng mga taong titira rito, ngunit isa man ay walang makahula kung sino.

 

Tungkol sa kuwento
Ang “Mga Dahon ng Kawayan” ay isa sa mahigit sandaang tanagokoro no shosetsu, o maikling-maikling kuwentong sinulat ni Kawabata Yasunari noong mga edad 20 pa lamang siya. Sinabi ni Kawabata na ang mga ito ang “mga tula ng aking kabataan” – sapagkat sa halip na mga tula, ang karaniwang anyong sinusulat ng mga kabataan, maiikling kuwento ang kanyang sinulat.

 

Tungkol sa nagsalin
Si Aurora E. Batnag ay ko-awtor ng 2 aklat sa pagsasalin: Patnubay sa Pagsasalin (NCCA, 1996) at Teksbuk sa Pagsasalin (C&E Publishing, 2009), at ko-editor ng Pagsasalin: Teorya at Praktika (C&E Publishing, 2011), koleksiyon ng mga artikulo sa pagsasalin. Ang kanyang MA thesis ay tungkol sa pagsasalin ng 2 maikling kuwentong orihinal na sinulat sa Filipino samantalang ang kanyang doctoral dissertation ay tungkol naman sa pagsasalin sa Filipino ng mga tulang orihinal na sinulat sa Ingles.

8/23/11
9/29/11


Next page »