Ang Papel ng Pagsasalin sa Pagtuturo ng Wika at Panitikan

Panimula

May tungkulin ang pagsasalin sa pagtuturo ng wika at panitikan. Bagama’t masasabing mahirap  gamitin ang pagsasalin upang gisingin ang kawilihan at kamalayan ng mga mag-aaral sa merito ng akda at sa mga katangiang pangwika nito, sa mga advanced classes ay makapagbibigay ang guro ng mga pagsasanay na hindi lamang magiging kawili-wili kundi kapaki-pakinabang pa rin sa pagkatuto ng wika at panitikan.

Maaaring pangkatan ang pagsasalin, lalo sa simula. Maaari rin namang isahan kung ipapauwi sa bahay upang pag-usapan sa klase sa susunod na araw. Magiging mas interesante at memorableng karanasan kung papangkatin ang mga estudyante na magbubuo ng iba’t ibang koponan o team saka magdaraos ng munting paligsahan upang mapili ang mas makinis, mas angkop at mas wastong salin.

Ang kahalagahan ng pagsasalin sa pagtuturo ng wika

May mga tumututol sa paggamit ng pagsasalin sa pagtuturo ng wika. Ito raw ay di tuwirang paraan at makasasagabal pa sa pagkatuto ng isang wika: ang pagsasalin daw sa isang dayuhan o pangalawang wika ay pumipigil sa pagkatuto ng wastong gamit ng wikang ito, samantalang ang pagsasalin naman sa unang wika ay nagbubunga ng “pagkapilipit” sa wikang kinagisnan dahil ang nagsasalin ay may tendensi raw na igapos ang sarili sa isinasaling wika.

Sa kabila nito, may mga kahalagahan ang pagsasalin bilang estratehiya sa pagtuturo ng wika, na maaaring di matagpuan sa iba pang mga paraan. Pansinin na ang pagsasalin ay itinuturing ditong estratehiya sa pagtuturo ng wika, at di layunin.

Ano-ano ang mga kahalagahang ito?

1. Ang pagsasalin ay nakatutulong upang makilala ng mga estudyante ang pagkakaiba ng dalawang wika, sa bokabularyo at estruktura gayon din sa kulturang nakabuhol sa bawat wika. Sa pamamagitan ng paghahambing ng dalawang wika, magkakaroon ang estudyante ng malawak na kaalaman at malalim na kamalayan sa kanyang unang wika, habang natatamo naman ang ganito ring kaalaman at kamalayan sa pangalawang wika.

Ipaghalimbawa nating Ingles at Filipino ang dalawang wikang kasangkot: Ingles ang simulaang lenggwahe (ang wika ng orihinal) at Filipino ang tunguhang lenggwahe (ang wikang pinagsasalinan). Magkaibang-magkaiba ang dalawang wikang ito sapagkat nabibilang sa dalawang magkaibang pamilya ng mga wika. Sa Ingles, karaniwang simuno-panaguri ang ayos ng pangungusap. Sa Filipino, panaguri-simuno naman. Hindi ito nangangahulugan, gayon man, na hindi tama ang estrukturang simuno-panaguri sa Filipino. Bawat isa sa dalawang ayos ng pangungusap ay may tiyak na gamit sa pagsulat, at kailangang matutuhan ng tagasalin kung kailan angkop gamitin ang bawat isa.

2. Nakapagpapalawak ng bokabularyo. Sa pagtutumbas, kailangang piliin ang pinakaangkop na salita. Dahil dito, nagiging malikhain ang tagasalin sa pag-iisip ng pinakaangkop na salita o kombinasyon ng mga salita upang buong-buong maipahayag ang inaakala niyang mensahe ng akdang isinasalin.

Nagiging aware siya sa mga sumusunod:

  1. false friends – mga salita sa isang wika na may kahawig na tunog o baybay sa isa pang wika kaya’t napagkakamalang angkop na panumbas.

Halimbawa:           demand (Ingles)          demanda (Kastila)

library (Ingles) libreria (Kastila)

Ang demand sa Ingles ay nangangahulugan ng mariing paghingi ng isang bagay, hindi kaso na gaya ng kahulugan nito sa Kastila. Samantalang aklatan ang kahulugan ng Ingles na library, ang kahawig nitong salitang libreria sa Kastila ay nangangahulugang “tindahan ng libro” o “book store.” Ang aklatan sa Kastila ay biblioteca.

2. singkahulugan – may mga salitang magkasingkahulugan na may kanya-kanyang lawak ng gamit.

Halimbawa:           matangkad      mataas

hiram               utang

berde               luntian

awit                 kanta

Ang pera ay puwedeng utangin o hiramin, gayon din ang buhay. Ngunit iba ang “inutang na buhay” (pinatay) sa “hiram na buhay” (bigay ng Diyos na babawiin sa takdang panahon). Gayon din, kapag “kumanta” ang posibleng kahulugan: “maaaring umawit siya ng isang awitin” o “ibinisto ang mga kasapakat.” Ngunit ang “umawit” ay iisa ang kahulugan – umawit ng isang awitin. Samantala, iba rin ang kahulugan ng “inawitan” sa “kinatahan.” Kapag “kinantahan” mo ang isang tao, hinandugan mo siya ng isang awitin, ngunit kapag “inawitan” mo siya, mayroon kang hinihinging isang bagay o pabor. Ang “berde” at “luntian” ay kapwa tumutukoy sa kulay ngunit ang “green joke” ay hindi sinasabing “luntiang biro” kundi “berdeng biro.” Gayon din, hindi tama ang “matangkad na gusali” sapagkat ang “matangkad” ay ginagamit lamang sa tao at hindi sa mga gusali.

  1. idyomatikong gamit ng wika – ito ay ang natural na gamit ng wika na gaya ng isang taal na nagsasalita ng wikang ito.

Halimbawa: shot to death – namatay sa tama ng bala (hindi binaril hanggang mamatay)

naliligo sa sariling dugo – lying in a pool of blood (hindi bathing in his own blood)

  1. mga salitang may kulay – May mga salitang may kakambal nang positibo o negatibong kahulugan.

Halimbawa: mukha vs. pagmumukha. (Neutral ang “mukha” ngunit ang “pagmumukha” ay may negatibong kahulugan ng pagkainis o pagkayamot ng nagsasalita sa taong pinag-uukulan ng salitang ito. Kapag ginamit ang salitang “pagmumukha,” naroon na agad ang negatibong kolokasyon – hindi mo sasabihing “kagiliw-giliw ang pagmumukha” ng isang taong kinamumuhian mo.

Iba pang halimbawa: alagad vs kampon, administrasyon vs. rehimen

  1. kultura ng isinasalin at ng pinagsasalinang wika – Paano isasalin sa Ingles ang utang na loob at hiya ng mga Pilipino? Ang po at ang opo ay walang iisang katumbas sa Ingles, ngunit ipinakikita ang paggalang sa Ingles sa pamamagitan ng ibang paraan, halimbawa’y “Yes, sir (o ma’am).
  1. usage o kung alin ang gamitin

Halimbawa: aklat vs. libro

guro vs. titser

  1. kahulugan batay sa konteksto

Halimbawa: bata ni Rex (girlfriend o kasintahan)

“Ang mga bata ko,” sabi ng titser (estudyante)

  1. ambiguity o pagkakaroon ng higit sa isang kahulugan

Halimbawa: Mahirap ang Filipino (mahirap pag-aralan o mahirap ang buhay)

  1. pun o paglalaro ng mga salita batay sa tunog

Halimbawa: Traduttore traditori (mula sa Latin, na nangangahulugang ‘tagasalin, taksil.’ Paano isasalin sa ibang wika ang pun sa dalawang salitang Latin na ito na magkahawig ng tunog at baybay?

Pamamaraan sa pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng pagsasalin

Alin mang gawain ng pagsasalin ay isa ring pagsasanay sa pagsulat. Ang pagsasalin, kung gayon, ay isa ring paraan ng pagsulat, o isang “muling pagsulat.” Naiiba nga lamang ito sa orihinal na pagsulat sapagkat ang tagasalin ay di tulad ng orihinal na awtor na humahango ng mga idea at paraan ng pagpapahayag sa sariling puso at utak. Ang tagasalin ay “nakagapos” sa orihinal na akda at ang kanyang “kalayaang” sumulat ayon sa sariling pananaw ay limitadosa kung ano ang sinasabi ng orihinal na awtor. Ngunit narito ang hamon – kung paano magiging malaya habang nakagapos.

Maraming hinihingi sa isang tagasalin. Dahil dito, ang pagsasalin bilang estratehiya sa pagtuturo ng wika ay maimumungkahi sa mataas na paaralan at kolehiyo lamang, ngunit kung sa elementarya, makabubuti ang tumbasan lamang ng mga salita.

Dapat tandaan ang mga sumusunod na hakbang”

  1. Ang ipapasalin ay dapat maging buong teksto at di mga salita lamang. Ito’y dahil hindi ganap na masasapol ang mga nabanggit na kahalagahan sa isa-sa-isang tumbasan ng mga salita.

Gayon man, bilang panimulang pagsasanay, maaaring magpasalin ng isa-isang salita samantalang ipinapaliwanag ang iba’t ibang posibleng kahulugan ng isang salita ayon sa konteksto o sa impluwensiya ng iba pang salitang ginamit sa isang pangungusap.

  1. Pumili ng tekstong angkop sa kakayahang pangwika ng magsasalin.
  2. Suriin ang orihinal sa loob ng klase,o sa maliliit na grupo.
  3. Isalin ang teksto sa tulong ng katatapos na paliwanag.
  4. Suriin ang salin.
    1. Hatiin sa mga parirala ang salin at ang orihinal at saka paghambingin ang dalawa.
    2. Kung direksyon ang tekstong isinalin, ipagawa sa mga estudyante at tingnan kung masusundan ang direksyon.
    3. Ipa-back translate o ipasaling muli sa orihinal na wika saka paghambingin ang salin at ang back translation.

Ang balik-salin o back translation

Ang balik-salin o back translation ay muling pagsasalin ng naisalin nang teksto sa wika ng orihinal. Halimbawa, ang orihinal na wika ng “Impeng Negro” ni Rogelio Sikat ay Tagalog/Pilipino (sinulat ito noong dekada 60; Pilipino ang tawag noon.)  Kapag ang salin sa Ingles ay isinaling muli (hangga’t maaari’y ng ibang tagasalin) sa Filipino, ang saling ito ay tinatawag na back translation.

Ang back translation (maaaring pangkatan) ay isang kawili-wiling pagsasanay na magiging kapaki-pakinabang sa pagkatuto ng wika kung mahahawakang mahusay ng titser. Nasa ibaba ang halimbawa ng aking salin sa Ingles ng “Impeng Negro” at ang salin sa Filipino ng salinsa Ingles na isinagawa naman ng ibang tao. Paghambingin ang salin sa Ingles at ang balik-salin ng Ingles sa Filipino.

Orihinal: Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo’ng buhok, kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso, namamalirong!

Salin sa Ingles: “You’re really very dark, Negro,” Ogor would say with loathing. The other water carriers would follow suit. Even the kids who happened to be there: Just look at his hair. Kinky! And the nose. So flat! Naku po, the lips. All puffed up!

Ang balik-salin:

  1. “Baluga ka talaga!” panunuya ni Ogor. Ginatungan pa ng tukso ng ibang kasamahan. Pati na rin ng mga batang naroroon: Tingnan mo ang kanyang buhok, kinky. At ang kanyang ilong. Sarat. At ang labi, Diyos ko, busalsal!
  2. “Talagang napakaitim mo, Negro,” pangungutya nin Ogor. Magsusunuran sa pagtukso ang ibang agwador. Pati na rin ang mga batang naroroon: Tingnan mo ang buhok. Kinki! At ang ilong. Pango! Naku po, ang mga labi. Lahat alsado!

Kongklusyon

Sa pamamagitan ng paghahambing ng mga salin, maipamamalay sa mga estudyante ang iba’t ibang bagay, tulad ng pagkakaiba ng estruktura ng Ingles at Filipino, ng papel ng sariling idyolekt (o pansariling talaan ng mga salitang ginagamit ng isang indibidwal), pati antas ng wikang ginagamit sa isang partikular na pagkakataon at lugar. Marami pang matatalakay na mga puntong pangwika at pampanitikan sa pamamagitan ng isang maikling bahagi ng tekstong pinag-aaralan. Natitiyak ko, hindi lamang ang mga estudyante ang masisiyahan sa ganitong paraan ng pag-aaral, pati guro ay makakatagpo ng masasayang sandali habang nakikipagsalin sa kanyang mga estudyante.