Mga Panlapi, Mga Salitang ugat

Aurora E. Batnag
Panimula
Karaniwan, hindi binibigyan ng pansin ng mga estudyante at maging ng mga guro man kung paano nabubuo ang mga salita sa wikang Filipino. Kadalasang eksena sa maraming silid-aralan ang usapan sa ibaba:
Guro: Ano ang salitang ugat ng salitang “matalo”?
Estudyante: Talo.
Guro: E ano naman ang salitang ugat ng salitang “manalo”?
Estudyante: Nalo?

Ang masaklap sa eksenang ito, tanungin mo ang guro at pareho rin ng sagot ng estudyante ang ibibigay niya.
Manalo at matalo, parehong talo
Ang totoo, iisa ang salitang ugat ng manalo at matalo. Pero magkaiba ng kahulugan ang dalawang salita dahil magkaiba ng panlaping ginamit.
Kapag natalo ka, ikaw ang tumanggap ng kilos ng pandiwang talo. Kapag naman ikaw ang nanalo, ibig sabihin ay ikaw ang nagsagawa ng kilos na nagbunga ng pagkatalo ng ibang tao.
Tulad din ito ng salitang ugat na bili. Kapag ikaw ay nagbili, ikaw ang nagtinda, o nagbenta. Pero kapag naman sinabing ikaw ang bumili, ikaw ang pinagbentahan.
Ganito ang pagkakabuo ng mga salitang matalo at manalo:
Salitang ugat Panlapi Nabuong salita
talo ma- matalo
talo mang- mangtalo

Nagkaroon ng pagbabago sa anyo at tunog kaya ang mangtalo ay naging manalo.
Maraming iba pang ganitong halimbawa ng mga salita. Hindi na halos makilala ang salitang ugat na pinagmulan ng maraming salita dahil sa pinagdaanang pagbabago sa anyo at tunog.

Iba pang mga salitang ugat
Ano ang salitang ugat ng iwan?
Karaniwang sagot: iw?
Tanong pa ulit: Ano naman ang kahulugan ng iw?
Sagot: Tahimik na, hindi na makapangatwiran, ang nanghuhulang tinanong.
Ang tamang sagot: iwi. Ang panlapi ay –an. Kaya: iwi + -an = iwian = iwan.
Ano ang ibig sabihin ng iwi?
Kilala natin ang kahulugan ng salitang iwi sa mga halimbawa sa ibaba:
1. Ang kandidata ay may iwing likas na kagandahan.
2. Nag-iiwi siya ng biik para sa kapitbahay.
3. May iwing sanggol ang mga ina na dumalo sa pulong.
Ano ang karaniwang kahulugan ng iwi sa mga halimbawang pangungusap sa itaas? Di ba “taglay” o “iniingatan”? Ngunit kapag ang panlapi ay –an, baligtad ang kahulugan ng nabuong salita. Kapag iniwan ang isang tao o bagay, hindi na ito nangangahulugang taglay o iniingatan kundi nilayuan.
Iyan marahil ang dahilan kung bakit parang mahirap iugnay ang salitang ugat na iwi sa iwan.
Narito ang isa pang salita: sauna. Akala ng marami, Swedish ang salitang ito. Ang totoo, ito ay matandang salitang Tagalog, na mas kilala sa anyong sinauna. Ang hindi pinapansin ng marami, ang sa- ay gamit sa pagbubuo ng maraming salita, tulad ng sumalangit (sa- + -um- + langit), isaaklat (i- +sa-+ aklat), salab (sa-+alab), at marami pang iba.
Ano naman ang salitang ugat ng maging? Akala ng marami, ito ay isang buong salita, na wala nang iba pang sangkap. Ngunit kung mahilig lamang kayong magmasid at matamang makinig, matutuklasan ang tunay na pinagmulan ng salitang ito. Binubuo ito ng magi at pang-angkop na –ng.
Paano ito mapapatunayan? May ilan pang nagsasabi ng ganito, lalo na sa mga pook na rural: Ayaw ko na magi siyang salbahe paglaki.
Alin ang tama: hangga ngayon o hanggang ngayon?
May dalawang nagtatalong pangkat hinggil sa kung alin ang tama: hangga ngayon, o hanggang ngayon. Simpleng-simple, napakadaling sagutin ang tanong. Maglista lamang ng mga anyong parallel, o mga anyong katulad. Subuking palitan ang ngayon ng mga katulad na anyo, tulad ng bukas, sa muli, mamaya. Ano ang gagamitin kapag ang mga ito na ang ginamit? Di ba hanggang bukas, hanggang sa muli, hanggang mamaya?
Samakatuwid, hanggang ang tama. Nalito lamang siguro ang mga taong gumagamit ng hangga ngayon dahil sa dalawang magkasunod na tunog na kinakatawan ng ng.
Ang batayang anyo ng hanggang ay hangga na nilagyan ng pang-angkop na –ng.
Iba pang mga salitang ugat at panlapi
Ano naman ang salitang ugat at panlapi ng panginoon? Maraming nag-aakala na poon ang salitang ugat nito. Ang totoo, pabiro nating masasabi na ang salitang poon ay “palayaw” o pinaikling anyo ng panginoon. Nabuo ang salitang ito sa ganitong paraan:
Salitang ugat: tuon
Mga panlapi: pang-+ -hing-
pang- + hing- + tuon = panghingtuon
Nagkaroon ng mga pagkakaltas o pagbabawas ng mga tunog/letra kaya ang naging resulta ay panginoon. Ano naman ang ibig sabihin ng tuon? Sa Sebuwano at Hiligaynon, nangangahulugan ito ng “turo o aral.” Malinaw na, di ba?
Ang panlaping hing- ay isa sa mga “patay na panlapi,” na tinatawag na ganito dahil hindi na ginagamit sa mga salita maliban sa mga dati nang salitang nilalapian nito, tulad ng himagsikan, hinguto, hingalay, himalay, himatay, atbp.
Kongklusyon
Kung matutunton natin ang salitang ugat at panlapi ng mga salita, mas maiintindihan natin ang kahulugan ng mga salita. Mas mauunawaan din natin ang ating wika kung malinaw sa atin kung paano nabubuo ang mga salita.
Maraming iba pang mga salita na hindi na halos matunton ang salitang ugat at panlapi, o kung matukoy man ang salitang ugat ay hindi naman maipaliwanag kung paano nabuo ang mga salitang ito sa kasalukuyan nitong anyo. Mga halimbawa: kanluran, pangalawa, makinig, atbp. Sa susunod naman tatalakayin ang mga ito.