Seminar-worksyap sa Pinakamaiinit na Isyu sa Edukasyon

Ano ang K-12 at ang implikasyon nito sa edukasyon sa Pilipinas? Ano ang nilalaman at pamamaraan ng K-12? Ang mga ito at iba pang maiinit na isyu ang tatalakayin sa isang pambansang seminar-worksyap na gaganapin sa CSB Hotel International Conference Center sa Oktubre 26-28, 2011.
Itinataguyod ito ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) sa pakikipag-ugnayan sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHEd), at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Bawat panayam ay susundan ng worksyap sa paghahanda ng kagamitang panturo sa konteksto ng K-12, UbD, MLE, at pananaliksik.
Tungkol sa mga detalye, makapagtatanong sa mga sumusunod: Dr. Aurora E. Batnag, (02)9210193/(02)4869187/09192877816/ au@batnag.org ;Prof. Emma Sison, De La Salle-College of Saint Benilde, (02) 881-2573; Prof. Santiago Flora, Jr. , Quezon City Polytechnic University , (02) 514-3520 and Dr. Ester Rada, San Beda College-Manila, (02) 735-6011 loc. 5122. O bumisita sa http://linggwistika.batnag.org


Ano sa Filipino ang “Impunity”?

Ayon sa American Heritage College Dictionary, ang “impunity” ay nangangahulugang “exemtion from punishment, prnalty, or harm.” Mula ito sa Latin impunitas Sa Pilipinas, ano ba ang ginagawa ng mga awtoridad “with impunity”? Paglabag sa mga karapatang pantao tulad ng sapilitang pagkawala, pagpaslang sa mga taong itinuturing na kaaway ng estado, pagkamkam sa mga lupaing ninuno, walang habas na pagmimina na nakapipinsala sa kabuhayan ng mga lumad, atbp. Ginagawa ito nang walang pakundangan, walang pakialam sino man ang masaktan o mapahamak.
Kung itutumbas ang “walang pakundangan,” baka walang makaintindi. Bukod pa sa mahaba ito.
Sa komperensiyang idinaos kamakailan, na ang paksa ay “End Impunity Now,” ginamit sa mga talakayan ang salitang “impunity” wikang Ingles man o Filipino ang ginamit ng nagsasalita. Isa lamang ang gumamit ng salitang “impunidad,” ang dating mambabatas na si Liza Maza, na binigkas ang salitang ito sa dalawang paraan: impunidad at impyunidad.
Siguro, tama lang na gamitin na ang salitang hiram na “impunity” sa halip na ihanap pa ito ng katumbas sa wikang Filipino.


Pusang Bilinggwal

Sa mga nagtatanong tungkol kay Pusacho, ang pusang bilinggwal, ganito iyon.

Hindi mahuli-huli ni Pusacho si Dagista. Lagi, mabilis na nakatatakbo ang daga at nakapagtatago sa lungga bago pa ito mahagip ng pusa.
Isang araw, nagtaka si Dagista. Tahimik ang paligid. Hindi niya nakita ang pusang laging nakaabang sa kanya. Maya-maya, nakarinig ang daga ng tahol ng aso. “May aso na rito,” naisip ng daga. “Kaya siguro wala na ang pusa.”

Tiwalang lumabas ng lungga ang daga. Pero biglang may dumakma sa kanya. Bago isinubo ng pusa ang nagpipipiglas na daga, nagsalita pa si Pusacho: “Iba na ang bilinggwal!”


Asong Monolinggwal

Natatandaan mo pa ba ang kuwento tungkol kay Pusacho, ang aming pusang bilinggwal? Marunong siya ng wika ng pusa (ngiyaw) at marunong din ng wika ng aso (tahol).

Ngayon naman, ang ikukuwento ko ay tungkol kay Ruben, ang aming asong monolinggwal. Ito ay tunay na pangyayari.

Tuwang-tuwang ipinagmalaki ni Bunso ang mga tricks na natutuhan ni Ruben, ang kanyang alagang aso. Kapag sinabihang “sit,” uupo ito. Kapag “lie down,” mahihiga naman. “Fetch” at hahabulin nito at ibabalik ang alinmang bagay na inihagis ni Bunso. Pag “take a bath,” tatakbo na ito at magtatago.

Sabi ni Bunso,” My, mainam pala ang may alagang aso.”

Tanong ko: “Bakit naman?”

Sagot; “Kasi, may napagpapraktisan ako ng Ingles.”

Isang araw, naabutan ako ni Bunso na pinapangaralan si Ruben. Sabi ko, “Ruben, sinabi nang magpakabait ka, atbp. atbp. atbp….”

Sabad ni Bunso,”E, My, bakit mo naman pinagsasalitaan ng ganyan si Ruben? Maiintindihan ka ba niyan?”

Napatigil ako sa pagsesermon. Tahimik na tahimik lang ang aso.

Dagdag ni Bunso: “Alam mo namang English-speaking ang asong iyan.”

Oo nga naman! Sabi ko: “Ruben, I told you to be a good boy, etc. etc. etc….”

Noon lang sumagot si Ruben: “Arf! Arf!”

Ay,monolinggwal pala ang diyaskeng aso. Ingles lang ang naiintindihan.

 


publiko o pampubliko?

Mali ba ang “pampubliko” dahil redundant – pang-uri raw ang salitang ito kaya hindi angkop ang panlaping pam- (pang- na nagkaroon ng asimilasyon).

Kapwa pangngalan at pang-uri ang “publiko.” Sa isipan ng marami, ang publiko ay pangngalan, at nito na lamang kamakailan napagtanto ng mga kritiko na pang-uri rin pala ito. Dahil itinuturing na pangngalan, nilalagyan ito ng marami ng panlaping pang- upang makabuo ng pang-uri.
Hal. Itinago nila sa publiko ang dayaan sa eleksiyon. (pangngalan).
Pumapasok ang mga anak nila sa publikong paaralan. (pang-uri)

Hindi ito tulad ng “pribado” na  isang pang-uri. Hal. Ito ay pribadong institusyon.

(Hindi katanggap-tanggap ang: Itinago nila sa pribado ang dayaan sa eleksiyon)

Samakatwid, hindi masasabing talagang mali ang “pampublikong paaralan.” Mas matipid nga lang ang “publiko” (nang walang panlapi) dahil ito ay anyong pang-uri na sa hiniramang wika.


what is a renounced school?

Mahilig akong tumingin sa mga flyers ng ibinebentang condominium at bahay kahit walang pambili. Dati, hindi ko naman binabasa ang teksto. Tinitingnan ko lang ang disenyo ng bahay. Pero itong isang ito, naakit ang interes ko kasi nasa “middle of Quezon City”raw. Saan kaya iyon? Bukod sa iba pang kamalian sa Ingles, ito ang classic: “…but still accessible from/to public transportations and major transit points like EDSA, and NLEX, renounced schools, shopping centres,… Ano kaya iyong “renounced schools” na iyon?


Ang Papel ng Pagsasalin sa Pagtuturo ng Wika at Panitikan

Panimula

May tungkulin ang pagsasalin sa pagtuturo ng wika at panitikan. Bagama’t masasabing mahirap  gamitin ang pagsasalin upang gisingin ang kawilihan at kamalayan ng mga mag-aaral sa merito ng akda at sa mga katangiang pangwika nito, sa mga advanced classes ay makapagbibigay ang guro ng mga pagsasanay na hindi lamang magiging kawili-wili kundi kapaki-pakinabang pa rin sa pagkatuto ng wika at panitikan.

Maaaring pangkatan ang pagsasalin, lalo sa simula. Maaari rin namang isahan kung ipapauwi sa bahay upang pag-usapan sa klase sa susunod na araw. Magiging mas interesante at memorableng karanasan kung papangkatin ang mga estudyante na magbubuo ng iba’t ibang koponan o team saka magdaraos ng munting paligsahan upang mapili ang mas makinis, mas angkop at mas wastong salin.

Ang kahalagahan ng pagsasalin sa pagtuturo ng wika

May mga tumututol sa paggamit ng pagsasalin sa pagtuturo ng wika. Ito raw ay di tuwirang paraan at makasasagabal pa sa pagkatuto ng isang wika: ang pagsasalin daw sa isang dayuhan o pangalawang wika ay pumipigil sa pagkatuto ng wastong gamit ng wikang ito, samantalang ang pagsasalin naman sa unang wika ay nagbubunga ng “pagkapilipit” sa wikang kinagisnan dahil ang nagsasalin ay may tendensi raw na igapos ang sarili sa isinasaling wika.

Sa kabila nito, may mga kahalagahan ang pagsasalin bilang estratehiya sa pagtuturo ng wika, na maaaring di matagpuan sa iba pang mga paraan. Pansinin na ang pagsasalin ay itinuturing ditong estratehiya sa pagtuturo ng wika, at di layunin.

Ano-ano ang mga kahalagahang ito?

1. Ang pagsasalin ay nakatutulong upang makilala ng mga estudyante ang pagkakaiba ng dalawang wika, sa bokabularyo at estruktura gayon din sa kulturang nakabuhol sa bawat wika. Sa pamamagitan ng paghahambing ng dalawang wika, magkakaroon ang estudyante ng malawak na kaalaman at malalim na kamalayan sa kanyang unang wika, habang natatamo naman ang ganito ring kaalaman at kamalayan sa pangalawang wika.

Ipaghalimbawa nating Ingles at Filipino ang dalawang wikang kasangkot: Ingles ang simulaang lenggwahe (ang wika ng orihinal) at Filipino ang tunguhang lenggwahe (ang wikang pinagsasalinan). Magkaibang-magkaiba ang dalawang wikang ito sapagkat nabibilang sa dalawang magkaibang pamilya ng mga wika. Sa Ingles, karaniwang simuno-panaguri ang ayos ng pangungusap. Sa Filipino, panaguri-simuno naman. Hindi ito nangangahulugan, gayon man, na hindi tama ang estrukturang simuno-panaguri sa Filipino. Bawat isa sa dalawang ayos ng pangungusap ay may tiyak na gamit sa pagsulat, at kailangang matutuhan ng tagasalin kung kailan angkop gamitin ang bawat isa.

2. Nakapagpapalawak ng bokabularyo. Sa pagtutumbas, kailangang piliin ang pinakaangkop na salita. Dahil dito, nagiging malikhain ang tagasalin sa pag-iisip ng pinakaangkop na salita o kombinasyon ng mga salita upang buong-buong maipahayag ang inaakala niyang mensahe ng akdang isinasalin.

Nagiging aware siya sa mga sumusunod:

  1. false friends – mga salita sa isang wika na may kahawig na tunog o baybay sa isa pang wika kaya’t napagkakamalang angkop na panumbas.

Halimbawa:           demand (Ingles)          demanda (Kastila)

library (Ingles) libreria (Kastila)

Ang demand sa Ingles ay nangangahulugan ng mariing paghingi ng isang bagay, hindi kaso na gaya ng kahulugan nito sa Kastila. Samantalang aklatan ang kahulugan ng Ingles na library, ang kahawig nitong salitang libreria sa Kastila ay nangangahulugang “tindahan ng libro” o “book store.” Ang aklatan sa Kastila ay biblioteca.

2. singkahulugan – may mga salitang magkasingkahulugan na may kanya-kanyang lawak ng gamit.

Halimbawa:           matangkad      mataas

hiram               utang

berde               luntian

awit                 kanta

Ang pera ay puwedeng utangin o hiramin, gayon din ang buhay. Ngunit iba ang “inutang na buhay” (pinatay) sa “hiram na buhay” (bigay ng Diyos na babawiin sa takdang panahon). Gayon din, kapag “kumanta” ang posibleng kahulugan: “maaaring umawit siya ng isang awitin” o “ibinisto ang mga kasapakat.” Ngunit ang “umawit” ay iisa ang kahulugan – umawit ng isang awitin. Samantala, iba rin ang kahulugan ng “inawitan” sa “kinatahan.” Kapag “kinantahan” mo ang isang tao, hinandugan mo siya ng isang awitin, ngunit kapag “inawitan” mo siya, mayroon kang hinihinging isang bagay o pabor. Ang “berde” at “luntian” ay kapwa tumutukoy sa kulay ngunit ang “green joke” ay hindi sinasabing “luntiang biro” kundi “berdeng biro.” Gayon din, hindi tama ang “matangkad na gusali” sapagkat ang “matangkad” ay ginagamit lamang sa tao at hindi sa mga gusali.

  1. idyomatikong gamit ng wika – ito ay ang natural na gamit ng wika na gaya ng isang taal na nagsasalita ng wikang ito.

Halimbawa: shot to death – namatay sa tama ng bala (hindi binaril hanggang mamatay)

naliligo sa sariling dugo – lying in a pool of blood (hindi bathing in his own blood)

  1. mga salitang may kulay – May mga salitang may kakambal nang positibo o negatibong kahulugan.

Halimbawa: mukha vs. pagmumukha. (Neutral ang “mukha” ngunit ang “pagmumukha” ay may negatibong kahulugan ng pagkainis o pagkayamot ng nagsasalita sa taong pinag-uukulan ng salitang ito. Kapag ginamit ang salitang “pagmumukha,” naroon na agad ang negatibong kolokasyon – hindi mo sasabihing “kagiliw-giliw ang pagmumukha” ng isang taong kinamumuhian mo.

Iba pang halimbawa: alagad vs kampon, administrasyon vs. rehimen

  1. kultura ng isinasalin at ng pinagsasalinang wika – Paano isasalin sa Ingles ang utang na loob at hiya ng mga Pilipino? Ang po at ang opo ay walang iisang katumbas sa Ingles, ngunit ipinakikita ang paggalang sa Ingles sa pamamagitan ng ibang paraan, halimbawa’y “Yes, sir (o ma’am).
  1. usage o kung alin ang gamitin

Halimbawa: aklat vs. libro

guro vs. titser

  1. kahulugan batay sa konteksto

Halimbawa: bata ni Rex (girlfriend o kasintahan)

“Ang mga bata ko,” sabi ng titser (estudyante)

  1. ambiguity o pagkakaroon ng higit sa isang kahulugan

Halimbawa: Mahirap ang Filipino (mahirap pag-aralan o mahirap ang buhay)

  1. pun o paglalaro ng mga salita batay sa tunog

Halimbawa: Traduttore traditori (mula sa Latin, na nangangahulugang ‘tagasalin, taksil.’ Paano isasalin sa ibang wika ang pun sa dalawang salitang Latin na ito na magkahawig ng tunog at baybay?

Pamamaraan sa pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng pagsasalin

Alin mang gawain ng pagsasalin ay isa ring pagsasanay sa pagsulat. Ang pagsasalin, kung gayon, ay isa ring paraan ng pagsulat, o isang “muling pagsulat.” Naiiba nga lamang ito sa orihinal na pagsulat sapagkat ang tagasalin ay di tulad ng orihinal na awtor na humahango ng mga idea at paraan ng pagpapahayag sa sariling puso at utak. Ang tagasalin ay “nakagapos” sa orihinal na akda at ang kanyang “kalayaang” sumulat ayon sa sariling pananaw ay limitadosa kung ano ang sinasabi ng orihinal na awtor. Ngunit narito ang hamon – kung paano magiging malaya habang nakagapos.

Maraming hinihingi sa isang tagasalin. Dahil dito, ang pagsasalin bilang estratehiya sa pagtuturo ng wika ay maimumungkahi sa mataas na paaralan at kolehiyo lamang, ngunit kung sa elementarya, makabubuti ang tumbasan lamang ng mga salita.

Dapat tandaan ang mga sumusunod na hakbang”

  1. Ang ipapasalin ay dapat maging buong teksto at di mga salita lamang. Ito’y dahil hindi ganap na masasapol ang mga nabanggit na kahalagahan sa isa-sa-isang tumbasan ng mga salita.

Gayon man, bilang panimulang pagsasanay, maaaring magpasalin ng isa-isang salita samantalang ipinapaliwanag ang iba’t ibang posibleng kahulugan ng isang salita ayon sa konteksto o sa impluwensiya ng iba pang salitang ginamit sa isang pangungusap.

  1. Pumili ng tekstong angkop sa kakayahang pangwika ng magsasalin.
  2. Suriin ang orihinal sa loob ng klase,o sa maliliit na grupo.
  3. Isalin ang teksto sa tulong ng katatapos na paliwanag.
  4. Suriin ang salin.
    1. Hatiin sa mga parirala ang salin at ang orihinal at saka paghambingin ang dalawa.
    2. Kung direksyon ang tekstong isinalin, ipagawa sa mga estudyante at tingnan kung masusundan ang direksyon.
    3. Ipa-back translate o ipasaling muli sa orihinal na wika saka paghambingin ang salin at ang back translation.

Ang balik-salin o back translation

Ang balik-salin o back translation ay muling pagsasalin ng naisalin nang teksto sa wika ng orihinal. Halimbawa, ang orihinal na wika ng “Impeng Negro” ni Rogelio Sikat ay Tagalog/Pilipino (sinulat ito noong dekada 60; Pilipino ang tawag noon.)  Kapag ang salin sa Ingles ay isinaling muli (hangga’t maaari’y ng ibang tagasalin) sa Filipino, ang saling ito ay tinatawag na back translation.

Ang back translation (maaaring pangkatan) ay isang kawili-wiling pagsasanay na magiging kapaki-pakinabang sa pagkatuto ng wika kung mahahawakang mahusay ng titser. Nasa ibaba ang halimbawa ng aking salin sa Ingles ng “Impeng Negro” at ang salin sa Filipino ng salinsa Ingles na isinagawa naman ng ibang tao. Paghambingin ang salin sa Ingles at ang balik-salin ng Ingles sa Filipino.

Orihinal: Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo’ng buhok, kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso, namamalirong!

Salin sa Ingles: “You’re really very dark, Negro,” Ogor would say with loathing. The other water carriers would follow suit. Even the kids who happened to be there: Just look at his hair. Kinky! And the nose. So flat! Naku po, the lips. All puffed up!

Ang balik-salin:

  1. “Baluga ka talaga!” panunuya ni Ogor. Ginatungan pa ng tukso ng ibang kasamahan. Pati na rin ng mga batang naroroon: Tingnan mo ang kanyang buhok, kinky. At ang kanyang ilong. Sarat. At ang labi, Diyos ko, busalsal!
  2. “Talagang napakaitim mo, Negro,” pangungutya nin Ogor. Magsusunuran sa pagtukso ang ibang agwador. Pati na rin ang mga batang naroroon: Tingnan mo ang buhok. Kinki! At ang ilong. Pango! Naku po, ang mga labi. Lahat alsado!

Kongklusyon

Sa pamamagitan ng paghahambing ng mga salin, maipamamalay sa mga estudyante ang iba’t ibang bagay, tulad ng pagkakaiba ng estruktura ng Ingles at Filipino, ng papel ng sariling idyolekt (o pansariling talaan ng mga salitang ginagamit ng isang indibidwal), pati antas ng wikang ginagamit sa isang partikular na pagkakataon at lugar. Marami pang matatalakay na mga puntong pangwika at pampanitikan sa pamamagitan ng isang maikling bahagi ng tekstong pinag-aaralan. Natitiyak ko, hindi lamang ang mga estudyante ang masisiyahan sa ganitong paraan ng pag-aaral, pati guro ay makakatagpo ng masasayang sandali habang nakikipagsalin sa kanyang mga estudyante.


Lasap ng Orihinal sa Pampanitikang Salin

Panimula

Mahalaga, ngunit hindi prioridad, ang pagsasalin sa Ingles ng mga akdang pampanitikan na orihinal na nasusulat sa wikang Filipino. Marahil, iniisip ng marami na hindi na kailangan pang magsalin sa Ingles ng mga akdang pampanitikan dahil marami namang mahuhusay na Pilipinong manunulat sa wikang Ingles.

Ngunit naniniwala ang mga awtoridad na iba pa rin ang panitikang orihinal na sinulat sa isang katutubong wika. Isa na rito si Dr Septy Ruzui ng University of Malaysia. Noong 1977, nagtungo siya sa noo’y Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino ngayon) upang ipasalin sa Ingles ang ilang piling maiklng kuwento, tula, at dula na nakasulat sa Pilipino (Filipino na ngayon). Ang mga salin na ito sa Ingles ay naging batayan naman ng salin sa Bahasa Malaysia na isinama sa isang antolohiya ng mga akdang pampanitikan mula sa rehiyong Asean.

Ayon sa mga awtoridad, hindi maiiwasang angkinin ng manunulat sa isang dayuhang wika ang kultura ng wikang ginagamit niya; samakatuwid, hindi na niya masasabi na ang kanyang likha ay tunay na nagbabandila ng kaakuhang Pilipino.

Kung gayon, ang pagsasalin sa Ingles ng mga akdang pampanitikan sa katutubong wika ay may mahalagang tungkulin: ibahagi sa buong daigdig ang ating mga mithiin, pag-asa, at pangarap, na ipinapahayag sa ating panitikan.

Natatanging karanasan sa pagsasalin

Ang papel na ito ay tungkol sa aking naging karanasan sa pagsasalin sa Ingles ng dalawang maikling kuwentong orihinal na isinulat sa Filipino, tungo sa pagtatamo ng titulong MA in English. Ang pamagat ng aking tesis ay “A Translation into English of Two Short Stories Originally Written in Pilipino with an Explanation of the Translation Process.” Dalawang maikling kuwento ang sentro ng pag-aaral –  “Malalim ang Gabi’ ni Ponciano B. P. Pineda at “Impeng Negro” ni Rogelio R. Sikat. Kapwa premyadong manunulat ang dalawang awtor at ang kanilang mga obra ay kapwa nagkamit ng gantimpala sa Palanca Memorial Awards. Nagkamit ng pangatlong gantimpala ang “Malalim” noong 1952; pangalawang gantimpala naman ang “Impeng Negro” noong 1962.

May iba pang pagkakatulad ang dalawang maikling kuwento, bagama’t isang dekada ang nakapagitan nang sulatin at magkamit ng gantimpala ang mga ito:

  1. Kapwa ipinapakita sa dalawang kuwento ang manunulat bilang “social critic,” na lumilikha ng makasining na larawan ng lipunang kanyang kinabibilangan;
  2. Kapwa dalawa lamang ang mga tauhan: ang mag-asawang sina Oming at Sinang sa “Malalim” at sina Impen at Ogor sa “Impeng Negro”;
  3. Kapwa naganap ang mga pangyayari sa ilang oras lamang at mabisang gumamit ng pagbabalik-tanaw upang balikan ang mga nakaraang pangyayari;
  4. Kapwa nagtataglay ng mga sangkap na hindi maisasalin, kaya’t nagsisilbing malaking hamon sa sining ng pagsasalin;
  5. Kapwa mapuwersa ang gamit ng wika at may natatanging estilo ang dalawang awtor kaya’t ang kanilang mga kuwento ay tunay na “isang natatanging karanasan.”

Hindi madaling magsalin sa wikang Ingles dahil hindi ito ang aking unang wika. Madalas, para akong nangangapa sa dilim para makapili ng pinakaangkop na salita. At upang maramdamang lubos ang tunggalian (boksing) nina Impen at Ogor sa “Impeng Negro,” nang sa gayo’y maging mabisa ang salin, nagtiis pa akong manood ng pelikula tungkol sa boksing!

Tunay na isang natatanging karanasan sa larang ng pagsasalin!

Mga katangian ng mahusay na salin

Ayon sa Summer Institute of Linguistics (SIL), ang isang mahusay na salin ay dapat magtaglay ng tatlong katangian na ang akronim ay CAN:

Clear  (malinaw)

Accurate (wasto)

Natural (natural ang daloy ng mga pangungusap)

Samakatuwid, ang mahusay na salin ay madaling maintindihan ng target na mambabasa; kailangan ding ito’y wasto, o kung ano ang sinasabi ng orihinal na awtor ay iyong-iyon din ang ipinapahayag ng salin sa ibang wika.  Ang pagiging natural naman ay tungkol sa pagiging madulas ng mga pahayag sa tunguhang lenggwahe na parang orihinal nan sinulat sa wikang pinagsalinan – sa maikling salita, hindi tunog-salin.

Sinabi ni Lawrence Venuti sa kanyang The Translator’s Invisibility (1995) na hindi dapat “makita” ang tagasalin. Gaya ng sinabi ni Norman Shapiro (mula kay Venuti, sinipi nina Batnag at Petras, 2009:106): “ang pagsasalin ay pagtatangkang makalikha ng isang tekstong napakalinaw kaya’t parang hindi salin…. Walang dapat makapansin na ito’y salin.”

Bagong direksiyon sa pagsasalin

Ngunit sa kasalukuyan, sa pagsasalin ng mga akdang pampanitikan mula sa mga rehiyon, may bagong direksiyon sa pagsasalin na kontra sa pahayag sa itaas.

Noong panahon ng kolonyalismong Kastila, iisa ang direksiyon ng pagsasalin –  mula Kastila tungong Tagalog at iba pang katutubong mga wika; samakatuwid, mula sa dominante tungo sa kolonisadong wika. Ito, ayon kay Villareal (1994), ay pagtatangkang kontrolin ang buong pagkatao ng mga tagatanggap ng mga salin, sa pamamagitan ng pagkitil sa kanilang pagkamalikhain. Gayunman, hindi naging lubusang tagatanggap lamang ang ating mga ninuno na nagsilbing tagasalin ng mga obrang nasusulat sa Kastila. Nakuha pa rin nilang igiit ang orihinalidad: ang bunga ay mga tulang ladino, awit, korido, moro-moro, pasyon, na may sariling tatak ng kultura ng wikang pinagsasalinan. Samakatwid, noon pa man, naigiit na ng tagasalin ang sarili sa pamamagitan ng kanyang sining kaya’t ang pagsasalin ay nagsilbing akto ng pagpapalaya.

Nagpapatuloy ang paggigiit na ito ng sarili sa pagsasalin ng panitikang panrehiyon sa kasalukuyan. Sa kanyang salin ng sampung sugilanon, o maikling kuwentong Hiligaynon, ginamit ni Villareal ang leksikon, gramatika, diskors at pragmatika upang mapapintig sa salin sa Filipino ang wika at kulturang Hiligaynon. Ganito ring paniniwala ang isinusulong ni John Barrios sa kanyang “Ang Pagsasa-Filipino ng Sugidanon: Isang Ma(pagpa)layang Pagsasalin ng Nilupig na Kaalaman” (nasa aklat na ito).

Para sa kanila, ang salin ay hindi salaming walang pingas kung kaya’t hindi mahahalatang salin, kundi isang bagong akda sa ibang wika ngunit nagtataglay pa rin ng sariling kakanyahan at sariling tatak ng kultura at wikang pinagmulan. Ang salin, kung gayon, ay sumasalamin sa wika at kultura ng orihinal, hindi nagtatakwil dito sa pamamagitan ng lubusang pag-angkin sa wika at kultura ng tunguhang lenggwahe (TL). Upang maisagawa ito, pinanatili nila sa salin ang mga salitang kultural mula sa simulaang lenggwahe (SL) at nagpasok ng mga salita at   konseptong tanging kanila lamang. Ang bunga ay pampanitikang salin na may potensyal na magpayaman sa wikang Filipino dahil taglay nito ang wika at kultura ng simulaang lenggwahe,

Sa maikling salita, ang salin ay salin at kailangang ibandila sa lahat bilang salin.  Kung pakakaisipin, bakit nga ba magbabasa ka pa ng panitikang hindi sa iyong sariling wika isinilang – hindi ba’t dahil ibig mong maranasan din ang karanasan ng ibang lugar? Bakit pa magbabasa ang mga Amerikano, halimbawa, ng mga akda ng mga Pilipino kung tunog-Amerikano at lasang Amerikano din lamang ang kanilang maririnig at malalasahan?

Gaya ng dalawang tagasalin na nabanggit sa itaas, ito rin ang naging panuntunan ko sa pagsasalin sa Ingles ng dalawang maikling kuwentong  nasabi na. Ngunit wala akong ginamit na mabibigat na terminolohiya; hindi ko ito tinawag na “ma(pagpa)layang salin” (Barrios) o “re-framing the sign” (Villareal)  kundi simpleng pagpapatikim sa target audience ng “flavor of the original,” pagpapalasap sa dayuhang mambabasa ng linamnam ng orihinal. Sa ibang salita’y pagpaparanas sa kanila ng natatanging karanasang pampanitikan ng mga Pilipino.

Pagpapaliwanag sa proseso ng pagsasalin:ang pamaaraang segmentasyon

Ang pagsasalin ay hindi lamang produkto, o ang tapos nang salin. Mahalaga ring maunawaan ang prosesong pinagdaanan ng isang teksto bago ito naging isang tapos na salin. Isang mabisang paraan sa pagpapaliwanag ng proseso ng pagsasalin ang segmentation technique o pamaraang segmentasyon. Narito ang ilang halimbawa mula sa “Malalim ang Gabi.”

Orihinal Salin Paliwanag
Pamagat: Malalim ang Gabi Title: Deep is the Night Maikli, siksik ng kahulugan, ang pamagat ng orihinal. Kaagad itong lumilikha ng salagimsim na nananatili sa buong naratibo. May pahiwatig na rin sa pamagat pa lamang kung ano ang mangyayari sa kuwento.

Kung susundan ang karaniwang ayos ng pangungusap sa Ingles, ang magiging salin ay “The Night is Deep.”  Ang “Deep is the Night,” na sunod sa estruktura ng orihinal, ay agad tumatawag ng pansin dahil sa estrukturang lihis sa karaniwan.

Hus! Heto pala’t di pa nauunat ang barong ito ni Totoy.” Hus! So here’s Totoy’s shirt, not pressed yet.” Walang katumbas sa Ingles ang “hus,” na bulalas ng galak, at iba pang damdamin. Pinanatili sa salin upang mahuli ang lasap ng usapan sa orihinal.
Madilim noon… It was dark then… Dalawang salita lamang sa orihinal na tinumbasan ng apat na salita sa salin. Sa Filipino, posible ang pangungusap na walang simuno, na hindi posible sa Ingles.
Dumungaw. He looks over the window. Ang orihinal ay gumamit ng mga pangungusap na staccato – maikli, putol-putol, upang magpanatili ng atmospera ng kaigtingan. Iisang salita sa orihinal, ngunit sa salin, kailangang pangungusap na may buong simuno at panaguri ang maging salin. Pansinin din na ginamit ang historical present sa bahaging muling nagaganap sa isip ni Oming ang tapos nang pangyayari.
Mga tao! Several men! Kahit hindi sinabing mga lalaki ang dumating, makukuha sa konteksto ang kahulugang ito. Hindi makukuha ang bigat ng pagdating  ng kalalakihan kung “Men!” lamang ang salin.
At may nagbaba ng hagdan! Someone pulls down the detachable stairs. May dagdag na im-pormasyong wala sa orihinal, na natatanggal ang hagdan sa mga bahay sa pook-rural. Maiintindihan na ng tagabasa ng orihinal ang detalyeng ito ngunit kailangang idagdag para sa mga dayuhang mambabasa.
“Nagsumbong ka sa mga kuwan, ano?” “You informed the kuwan, didn’t you?” Isang libo at isa ang kahulugan ng “kuwan” na magagamit na pamuno sa alin mang usapan. Pinanatili ito dahil nasa kultura ng mga Pilipino. Sa kuwento, ang “kuwan” ay tumutukoy sa isa sa dalawang nagtutunggaliang puwersa, ang gobyerno at ang mga taong labas, na sa tindi ng takot ng mga mamamayan ay hindi nila mapangalanan kundi ng pangkalahatang tawag na “kuwan.”
Umurong nang umurong hanggang sa masalat ng kanyang mga paa ang kamuning na balilang parating kapiling niya sa pagtulog. He keeps stepping back until his feet touch   his bludgeon, the kamuning na balila, which he always rests beside him in his sleep. Ang kamuning ay isang uri ng matigas na puno samantalang ang balila ay kapirasong kahoy na may sukat na isang metro na magagamit na sandata. Hindi sapul ng “bludgeon” ang kahulugan nito ngunit magbibigay ito ng idea sa mambabasa kung ano ito. Hindi ito mabibigyan ng angkop na katumbas kaya pinanatili sa salin.

Ilan pang paraan ng pagsasalin

Mas mahaba nga ba ang salin kaysa sa orihinal? Likas na mas mahaba nga ba ang mga pangungusap sa Filipino kaysa sa Ingles?  Nagiging mas mahaba nga ang salin kaysa sa orihinal, sa mga pagkakataong hindi maiiwasan. Ang dalawang kuwentong tinatalakay sa papel na ito ay nagpapakita ng isang katangian ng wikang Filipino na wala sa Ingles – posible ang isang salitang pangungusap sa Filipino, ang pangungusap na walang simuno, at may mga salita sa Filipino na ispesipiko ang kahulugan (halimbawa: pumikit, na alam na nating mata  lamang ang sangkot, ngunit walang isang-salitang katumbas sa Ingles). Sa ganitong mga pagkakataon, nagiging mas mahaba ang salin sa Ingles kaysa sa orihinal na Filipino. Isa pa, nabanggit nang gumamit ng staccato sentences ang mga orihinal na awtor -  maiikli, putul-putol na pangungusap, na kung minsan ay hindi kayang tumbasan ng gayon ding putul-putol na pangungusap sa Ingles. Nasa ibaba ang ilang halimbawa.

  1. Sa maraming pagkakataon, posible ang isa-sa-isang tumbasan.

Orihinal Salin

Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, Punch. Jab. Punch, pound, pound,

bayo, dagok, dagok… punch, punch…

  1. Ang isang pangungusap na binubuo ng isang salita ay maaaring tumbasan ng isa ring salita.

Orihinal Salin

Bukas kaagad ang mga mata ni Sinang’s eyes were at once wide

Sinang. Nagkamalay. Open. Alerted.

  1. Ang mga parirala ay matutumbasan ng parirala rin.

Orihinal Salin

Ng kawalang-malay. Of innocence.

Ng pansamantalang kamatayan. Of temporary death.

Ng mga kasawian. Of despair.

Ng kawalang-hanggan. Of eternity.

  1. Ngunit hindi laging ganito. Kung minsan, ang isang parirala ay hindi maisasalin sa parirala rin. At ang isang salitang pangungusap sa Filipino ay hindi matutumbasan ng isang salita rin lamang sa Ingles.

Orihinal Salin

a. Sandali ng paglimot. a. It was a moment of forgetting.

b. Nagulantang ang batang b. The sleeping child was startled.

natutulog. Umiyak. He whimpered.

  1. Kung minsan, kailangang pagsamahin sa iisang pangungusap ang ilang maiikling pangungusap sa orihinal.

Orihinal Salin

    1. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Pushing, Impen struggled to turn

Muling matitihaya. over on one side several times.

Again, only to lie supine.

b. Hinawakang mahigpit. Nagpilit He holds the balila tightly, struggles

tumayo. to stand up.

  1. Ang isang salita sa orihinal ay tinumbasan ng 3 salita.

Orihinal Salin

At iwinasiwas ang kanyang hawak. He swings it.

Nakahagip. He hits one.

Ang paggamit ng historical present sa “Malalim ang Gabi”

Sa maikling kuwentong “Malalim ang Gabi,” gumamit ang awtor ng daloy ng kamalayan. Ang pangunahing tauhan, si Oming, ay paulit-ulit na dinadalaw ng kakila-kilabot na pagkamatay ng kanilang mga kapitbahay, ang mag-asawang Elias at Sisa. Sa isip ni Oming ay muling nabubuhay ang pangyayaring walang nakasaksi; tanging ang ayos ng mga bangkay ng dalawa ang pagbabatayan ng matinding hirap na dinanas nila.

May dalawang aksyon sa kuwento, kung gayon, ang realidad ng buhay nina Oming at Sinang, at ang mga pangyayaring sa isip ni Oming nagaganap na nakikipagsalimbayan sa realidad ng buhay. Ginamit ko ang historical present para isalaysay ang pangyayaring nagaganap sa isip ni Oming; sa gayo’y iba ang pagsasalaysay nito at nagiging mas matindi at mas maigting dahil mas buhay ang pagsasalaysay.

Halimbawa:

Orihinal Salin
Pinagtatadyakan ng nagsipanhik ang pinto. The men savagely kick the door.
Nabuksan. It is opened.
“Walang sisigaw!” “No one will shout!”
Nilapitan ng unang lalaki si Elias at tinutukan ng rebolber sa dibdib. The first to enter go straight to Elias on whose chest he fixes his revolver.
“Dapa!” “Lie down!”
Umurong si Elias. Elias steps back.
“Dapa!” “Down!”

Pagpapalasap ng orihinal

Sa bahaging naratibo, sinikap ng tagasalin na maging madulas at idyomatiko ang tunguhang lenggwahe. Saan na papasok ang lasap ng orihinal? Pinapanatili ng salin ang mga salitang maituturing na nakabuhol sa kultura ng orihinal, tulad ng mga katawagan ng paggalang sa nakatatanda at mga salitang hindi matutumbasan sa Ingles dahil sa taglay na bigat ng kulturang lokal.

Orihinal Salin
Ibig nang maluha ni Mang Intong. Mang Intong almost cries.
Dinarampian ni Impong Menang ang kanyang mga mata. Impong Menang is lightly dabbing her eyes with her handkerchief.
Santa Mariang Ina ng Awa… ang buhay natin ay sa manok na anakin…” Santa Mariang Ina ng Awa … our lives have become like chicken’s…”
“Kailan pa po kaya tatahimik, Poon Namin?” “When will peace be restored here, Poon Namin?”
“Tingnan mo nga lang, ay…” “What a sad fate, ay…”
“E si Elias, nasa huntahan pa kagabi kina Kuya Terong.” “And Elias, he was in the huntahan last night at Kuya Terong’s.”

May ilan ding salitang hindi tinumbasan sa Ingles, tulad ng mga halimbawang ito mula sa “Impeng Negro.”

Orihinal Salin
Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay. At the dilapidated batalan where he squatted, momentarily he stopped washing off the particles of rice in his hand.
Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. He splashed the water in front of him, then dipped water anew with a tabo.

Kongklusyon

Naniniwala ako na ang panitikan ay tala ng mga natatanging karanasan ng lipunang lumikha nito. Sa pagsasalin, mahalagang mailipat sa tunguhang lenggwahe ang natatanging karanasang ito. Mahalagang maipatikim sa mga mambabasang may ibang wika ang lasap at linamnam ng orihinal. Ang salin ay salin; hayaang mabakas dito ang wika at kultura ng pinagmulang teksto.

Mga Sanggunian

Batnag, Aurora E. at Jayson D. Petras. 2009. Teksbuk sa Pagsasalin. Quezon City: C & E

Publishing, Inc.

Batnag, Aurora E. 1997. Pagbubuo ng Teorya sa Pagsasalin ng Tula: Paglalapat sa mga

Piling Tulang Africano. Di nalathalang disertasyon. Maynila: Philippine Normal

University.

_______________. 1982. A Translation into English of Two Short Stories Originally

Written in Pilipino with an Explanation of the Translation Process. Di nalathalang

tesis. Maynila: Manuel L. Quezon University.

______________, 1980a. Translation Commentary. Proyektong iniharap para sa kursong

Advanced Certificate Course on Translation in Southeast Asia: Problems,

Techniques and Procedures. Republic of Singapore: Regional Language Centre.

_____________. 1980b. Translation Production. Proyektong iniharap para sa kursong

Advanced Certificate Course on Translation in Southeast Asia: Problems,

Techniques and Procedures. Republic of Singapore: Regional Language Centre.

Venuti, Lawrence. 1995. The Translator’s Invisibility. USA & Canada: Routledge.


Ano sa Filipino ang “His Excellency”?

Ano sa Filipino ang “His Excellency”?

Tanong ito ng marami ngayong ginagamit na ang wikang pambansa sa mga bulwagan ng kapangyarihan, ngayong ang Pangulo ng Pilipinas ay puwede na ring ipakilala sa wikang Filipino.

Sa pagbubukas ng Buwan ng Wika noong 1998 sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), ipinakilala ang panauhing pandangal, ang noo’y Pangulo ng Pilipinas, bilang “Ang Kanyang Kamahalan, Pangulong Joseph Ejercito Estrada.”

“Ang Kanyang Kamahalan”? Bakit, si Haring Joseph ba siya?

Panahon ng mga hari at reyna

Lumaki ako at ang aking henerasyon sa mga kuwento tungkol sa nakalipas na panahon noong monarkiya ang namamayaning uri ng gobyerno, noong mga hari at reyna ang namumuno sa isang estado, noong ang mga dakilang tao ay mga  prinsipe at prinsesa, duke at dukesa.  Sa tatlong media: mga babasahin, radyo at pelikula, laging may mga kuwento tungkol sa mga kaharian.  Ang mga tauhang gumising sa aking murang imahinasyon ay mula sa “Mga Kuwento ni Lola Basyang”(babasahin) “Prinsipe Amante” (radyo) at kung sino-sino pang mga prinsipe at prinsesa sa mga nobela ni Nemesio Caravana na isinerye sa magasing Liwayway at pagkaraa’y isinapelikula. Ang tahanan ng mga tauhang ito’y hindi republika kundi kaharian, na mangyari pang pinamumunuan ng isang hari.

Sa daigdig na ito ng mga hari at reyna,  maging sa babasahin, radyo o pelikula, iisa ang sinasabi ng tagapagpakilala o tagapagbando  kapag ipinapahayag ang pagdating ng namumuno. Tatawagin muna ng tagapagbando ang pansin ng lahat sa pamamagitan ng pag-ihip sa kanyang tambuli o ano mang katulad na instrumento, saka ipapahayag: “Ang Kanyang Kamahalan, Haring Linceo.”

Kapag kinakausap ng hamak na dama ang kanyang panginoong prinsesa, laging “Mahal na Prinsesa” ang sinasabi niya. Ang mga karaniwang tao sa isang kaharian ay mga “nasasakupan,” hindi mga “mamamayan.”  Mga “subjects” sila ng hari at reyna, hindi mga mamamayan ng isang republika.

Ganito ang pananalita kapag ang kausap ng nakabababa ay mga  “dugong bughaw.”

Ang katumbas sa Ingles ng “Ang Kanyang Kamahalan” ay  “His/Her Majesty.” Dahil dito, maitatanong, bakit itutumbas sa Ingles na “His/Her Excellency” ang “Ang Kanyang Kamahalan”? Pareho lang ba ng kahulugan ang dalawang praseng Ingles kaya iisa ang magiging katumbas sa Filipino? Katanggap-tanggap ba  naman sa ating kamalayan na gamitin ito kapag ang tinutukoy ay ang Pangulo ng Pilipinas? Hindi kaya parang  bumabalik tayo sa pyudal na kalagayan – noong panahong “Ang Kanyang Kamahalan,” ang Mahal na Hari ng Espanya,  ang pinakamataas na pinuno ng ating bayan?

Ang katumbas ng “His/Her Excellency” sa umiiral na mga publikasyon

Tatlong publikasyon ang sinuri ko para malaman kung ano ang kasalukuyang umiiral na katumbas ng “His/Her Excellency”: (1) Manwal sa Korespondensya Opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino, (2) New Vicassan’s English-Pilipino Dictionary ni Vito C. Santos, at (3) English-Tagalog Dictionary ni Leo James English. Nagkakaisa ang mga ito sa pagbibigay ng katumbas ng “His/Her Excellency” – Ang Kanyang Kamahalan. Ngunit ayon sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino na inilabas noong 1989 ng noo’y Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (bago ito naging Komisyon sa Wikang Filipino), ang praseng “Kanyang Kamahalan” ay ginagamit sa mga dugong maharlika tulad ng mga hari, reyna, prinsipe, prinsesa. Samakatwid,  pinatitibayan ng nasabing diksyunaryo ang aking personal na reaksyon, na ang “Ang Kanyang Kamahalan” ay may kulay ng monarkiya kaya’t di angkop gamitin kapag presidente ng republika ang pinag-uusapan.

Kuwestionable ang naging pagtutumbas na ito sa tatlong publikasyong unang nabanggit. Waring nakalimutan o di isinaalang-alang ang mga pangunahing prinsipyo sa pagsasalin.

Ang pagsasalin ng mga katawagang Ingles

Pangunahing prinsipyo sa pagsasalin na ang isinasalin ay hindi salita kundi idea. Samakatwid, ang pagsasalin ay hindi simpleng paghanap ng katumbas sa diksyunaryo. Ang diksyunaryo ay magandang hanguan ng mga salita at sanggunian sa maraming bagay. Ngunit may mga pagkakataon na ang itinutumbas sa isang salita ay hindi iyong sa diksyunaryo matatagpuan – kundi sa mayamang bokabularyo ng isang mahusay na tagasalin. Ito ay dahil mahalaga sa pagsasalin ang pagpapakahulugan o interpretasyon ng salita, parirala, pangungusap, ang buong teksto – sa maikling salita, ang buong ideang ibig ipahayag ng obrang isinasalin.

Ano ang dictionary meaning ng mga salitang “excellency” at “majesty”?  Ayon sa The New Lexicon Webster’s Dictionary of the English Language (1990):

excellency n. the title given to ambassadors, governors general, the governors of certain states of the U. S. A., high commissioners for Commonwealth countries, and some other officials.

majesty (with second or third person possessive pronoun) the title used in addressing or referring to a king, queen or emperor

Samakatwid, “majesty” kapag ang tinutukoy ay mga namumuno sa isang kaharian o imperyo. “Excellency” naman ang titulong nakalaan  sa mga embahador, gobernador heneral at iba pa.

Ang mga salitang nabanggit ay mga titulong ginagamit sa ibang wika. Paano tutumbasan ang mga ito sa sarili nating wika?

Ang kultura at wika sa pagsasalin

Dalawang wika ang sangkot sa pagsasalin, ang simulaang lenggwahe (o wika ng orihinal) at ang tunguhang lenggwahe (ang wikang pinagsasalinan). Mahalagang lubusang nauunawaan ng isang tagasalin kapwa ang simulaan at tunguhang lenggwahe, gayon din ang kulturang nakabuhol sa mga ito. Sa kulturang Pilipino, napawi na ang mga datu at prinsesa. Sa kuwento na lamang naririnig ang mga ito. Gayon ma’y buhay na buhay pa rin sa kaisipan ng mga bata at matanda ang mga katawagang ginagamit kapag hari at reyna ang tinutukoy. “Ang Kanyang Kamahalan” – ito ay iniuugnay sa mga kaharian, sa mga datu ng unang panahon. Angkop pa bang gamitin ang praseng ito sa pagtukoy naman sa pangulo ng ating bansa?

Sa ngayon, ang praseng Ingles na  “His/Her Excellency” ay ginagamit kapag tinutukoy ang pangulo ng isang bansa. Isa itong konseptong hiniram natin sa mga Amerikano, gaya rin ng paghiram natin sa kanila ng ating sistema ng gobyerno.

Wala pa tayong tradisyon ng tumbasan sa Filipino ng “his/her excellency.” Hindi pa malaganap ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtukoy sa pinakamataas na pinuno ng bansa. Kaya hindi pa gamitin ang “Ang Kanyang Kamahalan” sa pagtukoy sa pangulo. Samakatwid, maaari pa itong iwasto. Maaari pang humanap ng mas angkop na katumbas habang hindi pa ginagamit ng taong bayan ang katawagang may bahid ng monarkiya.

Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang sa pagsasalin ay ang kahusayan sa wika. Ang praseng “Ang Kanyang Kamahalan” bilang katumbas ng “His/Her Excellency,” ay nagpapakita ng kawalan ng kahusayan sa wika at kulturang pinagsasalinan. Di ba’t sa Filipino, ang pangmaramihang panghalip sa ikatlong panauhan ang ginagamit kapag taong kagalang-galang ang tinutukoy? Kaya ang dapat ay “Ang Kanilang Kamahalan.”  Ang tunay na magalang ay magsasabing “Sino po sila? Ano po ang kanilang kailangan?” sa halip na “Sino ba kayo? Ano ang kailangan n’yo?”

Bukod dito, sa bawat wika ay may mga bagay na opsyonal at obligatori. Sa Ingles, hindi maaaring mawala ang panghalip na “his/her” kaugnay ng “Majesty” kapag ginagamit sa mga hari at reyna. Sa Filipino, may mga pagkakataong hindi na kailangang tumbasan pa ang “his/ her” sa orihinal na Ingles.

Mungkahing katumbas: “Ang Kapita-pitagan”

Kung hindi “Ang Kanyang Kamahalan,” ano, kung gayon, ang angkop maging katumbas ng “His/Her Excellency”?

Sa aking palagay, simple lamang ang kailangang gamiting panawag. Hindi kailangang mangayupapang tulad ng noo’y nasasakupan ng hari at reyna. Hindi kailangang tumbasan pa ang “his/her”. Sapat nang sabihing “Ang Kapita-pitagang Pangulo ng Pilipinas, Benigno Aquino.”

Sa pag-adres  sa liham, ganito naman:

Ang Kapita-pitagan

Pangulong Benigno Aquino

Malacanang, Maynila

Ang pagbati ay: Mahal na G. Pangulo o Mahal na Pangulong Benigno Aquino o Mahal na Pangulo.

Taglay ng salitang “kapita-pitagan” ang paggalang na karaniwang iniuugnay nating mga Pilipino sa matataas na posisyong tulad ng panguluhan. Sapagkat ginagamit na ang “Ang Kagalang-galang” sa mga kagawad ng gabinete, tulad ng kalihim ng departamento, at mga hukom (Your Honor), para magkaroon ng distingksyon ay maaari namang ang salitang “kapita-pitagan” ang iukol sa pangulo ng Pilipinas. Mas mataas ang antas ng salitang ito kaysa “kagalang-galang” at mas pormal at mas angkop sa pinakamataas na pinuno ng bansa.

Nagsisimula pa lamang tayo ng tradisyon. Hindi dating ginagamit ang wikang Filipino sa mga pormal na palatuntunan kung saan kakailanganing ipakilala ang pangulo ng bansa sa wikang pambansa. Habang di pa lumalaganap ang “Ang Kanyang Kamahalan,” ihanap na natin ito ng mas angkop na katumbas. Kung ano ang gamitin sa panahong ito ang siya nang lalaganap. Sana’y maging tama, karapat-dapat at angkop ang lumaganap na panumbas. Iminumungkahi ko ang salitang nagpapahayag ng damdamin ng mga Pilipino sa ating pinakamataas na pinuno.

“Minamahal” ba natin siyang tulad ng pagmamahal ng nasasakupan sa kanyang hari o reyna? O mas iginagalang ba siya kaysa minamahal, pinagpipitaganan, pinag-uukulan ng pinakamataas na pagpapahalaga? Kung itong huli, mas angkop ang “Ang Kapita-pitagan.” Hindi na kailangang tumbasan pa ang panghalip na “his/her”. Ito ay halimbawa ng literal translation na di nagsasaalang-alang sa kahulugan ng praseng tinutumbasan.

Kaya ang pinakaangkop na katumbas sa Filipino ng “His/Her Excellency,” ay: “Ang Kapita-pitagan.”


« Previous page